1,818 total views
Nagbabala ang Diocese of Legazpi laban sa grupong Missionary Society of Saints Peter and Paul na planong magsagawa ng acceptance rite sa mga nagnanais mapabilang sa kanilang grupo.
Sa sirkular na inilabas ni Bishop Joel Baylon binigyang diin nito na walang kaugnayan sa simbahang katolika ang nasabing grupo kung saan kabilang sa tatanggapin ang mga paring may asawa.
“The Catholic Church does not recognize this group as a legitimate body, as its members are no longer in the active ministry within the Church, and has no permission from legitimate authority to act in the name and on behalf of the Catholic Church,” pahayag ni Bishop Baylon.
Iginiit ni Bishop Baylon na anumang gawaing pansimbahan na pamumunuan ng mga paring mula sa nasabing grupo ay walang bisa at hindi kinikilala ng Roman Catholic Church.
Babala ng obispo sa mga paring aanib sa grupo ay papatawan ng karampatang parusa alinsunod sa isinasaad ng canon law.
“Any priest who joins this group automatically incurs suspension from his duties as a priest, and is therefore prohibited from performing any religious act relative to his priestly duties, such as celebrating Mass and administering the Sacraments,” ani Bishop Baylon.
Batay sa pagsaliksik ang Missionary Society of Saints Peter and Paul ay kasapi ng Holy Catholic Church International na isang ecumenical organization ng catholic churches sa buong mundo.
Apela ni Bishop Baylon sa mananampalataya na maging maingat upang makaiwas sa mga nagpapanggap na pari ng simbahang katolika.
“This Diocesan Circular is issued in order to avoid any confusion that may be encountered by people who will be approached by this renegade group of priests,” giit ng obispo.