19,624 total views
Hinimok ni Dipolog Bishop Severo Caermare ang mananampalataya lalo na ang kanyang nasasakupan na pairalin ang diwa ng pagiging tunay na kristiyano at Pilipino.
Ito ang mensahe ng obispo hinggil sa usaping pagsusulong ng pagpapalit ng konstitusyon sa pamamagitan ng People’s Initiative.
Ayon kay Bishop Caermare may mga ulat sa kanilang lalawigang nagsagawa ng signature campaign sa nasabing intensyon kapalit ang salapi upang lumagda ang mamamayan.
“Nanghinaut kami nga kita magiyahan ug mainampingon sa kaugmaon sa atong nasud pinaagi sa pagpakabana. Dili unta kita mahaylo sa salapi ug dili pud unta kita madali-dalion sa atong mga desisyon. Apan gikinahanglan nato nga aktibo nga partisipasyon ug diskusyon aron kita magiyahan ug makat-on,” bahagi ng pahayag ni Bishop Caermare.
Umaasa akong gabayan tayo at maging maingat sa kinabukasan ng ating bayan sa pamamagitan ng ating pagmamalasakit. Hindi sana natin ipagpalit sa pera at hindi sana tayo padalos-dalos sa ating mga desisyon. Kailangan natin ang aktibong pakikilahok at talakayan upang tayo ay magabayan at matuto.
Nanindigan ang obispo na hindi dapat madaliin ang pagpapalit ng Saligang Batas lalo’t ito ang gabay ng isang bansa.
Batid ni Bishop Caermare na ang kasalukuyang 1987 Consitution ay binalangkas ayon sa kapakinabangan at kapakanan ng mamamayan kaya’t hindi ito dapat madaliin sa halip ay magsagawa ng makatarungang konsultasyon sa lahat ng mamamayan sa bansa.
“Ang People’s Initiative nga dili gikan sa makinaadmanon nga pamalandong ug tinuod nga panginahanglan sa katawhan modala lamang sa pag-usab nga pabor sa mga pipila lamang,” ani ng obispo.
Ang People’s Initiative na hindi nakabatay sa matalinong pagninilay at tunay na pangangailangan ng tao ay hahantong lamang sa pagbibigay pabor sa iilan.
Una nang nilinaw ni law professor Attorney Jose Manuel Diokno na hindi maaring baguhin ang 1987 Philippine Constitution sa pamamagitan ng People’s Initiative sapagkat malinaw na isinasaad na tanging pag-amiyenda lamang sa mga probisyon ang maaring gawin sa nasabing hakbang.
Tiniyak ni Diokno ang maigting na pagbabantay sa mga ulat sa pagsasagawa ng People’s Initiative at ang pagkwestyon sa legalidad nito sa Korte Suprema sakaling makitaan ng paglabag sa Saligang Batas.
Bukod kay Bishop Caermare nanawagan din si Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo at Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo sa mamamayan na huwag lumagda sa People’s Initiative.