263 total views
Pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang “dedication of the Altar” o pagtatalaga sa dambana ng Manila Cathedral.
Sa pagninilay ni Cardinal Tagle sa banal na misa, ibinahagi nito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng templong pinananahanan ng Panginoon.
Aniya, mahalaga ang nakatayong templo at dambana dahil sumasagisag ito sa pagtugon sa pag-ibig at pananalangin ng mga nananampalataya sa Panginoon.
Subalit bukod dito, binigyang diin ng Kardinal na tulad ni Hesus, kinakailangang ang mismong katawan at katauhan ng mga tao ang maging buhay na templo ng Diyos.
Inanyayahan ng Kardinal ang mga mananampalataya na pumasok sa Katawan ni Kristo at maging bahagi nito upang maging buhay na templong nagmamahal at tumutugon sa pag-ibig ng Panginoon.
“Lahat tayo minahal tayo, at dahil minahal tayo, tayo din magbibigay ng sarili. Dala din ng pagmamahal… Inaanyayahan tayo na maging kagaya ni Hesus dambana at templo. Wag nating sayangin ang ganda nitong katedral, sana higit na maganda ang buhay na templo.” Pahayag ni Cardinal Tagle
Binalaan naman ni Cardinal Tagle ang mga mananamapalataya na mag-ingat sa mga mapanlinlang na diyos-diyosang kalimitang sinasamba ng mga tao.
Sinabi ng Arsobispo na ang templo ng diyus-diyosang kayamanan, kapangyarihan, at ambisyon ay hindi kailanman nagdulot ng kabutihan sa mga tao at sa lipunan.
Binigyang diin nito na ang kapangyarihan at kayabangan ay bumubulag sa mga tao at sinusunog ang katotohanan upang malinlang ang lipunan.
Ang ambisyon naman ay lumalason sa kabutihan ng bawat tao hanggang sa maging ganid at sakim ang isang indibidwal na nagiging dahilan ng paglapastangan sa kalikasan at pagyurak sa maliliit na tao.
Ayon kay Cardinal Tagle, ang labis na kayamanan o pagkamal ng limpak-limpak na salapi ay nagdudulot ng pag-abuso sa integridad ng mga manggagawa, at maging ang buhay ng mga ito ay nasasakripisyo na tila mga alay na sinusunog alang-alang sa salapi.
“Huwag kang maghandog ng maghandog sa siyos diyosan ng pera hindi ka mahal nyan bakit mo pa yan minamahal… kaya para sa pera kung ano ano ang ating sinasakripisyo, integridad mga manggagawa, mga magsasaka, parang mga alay na susunugin para mapaligaya ang pera.” pahayag ni Cardinal Tagle.
Read: ( FULL TRANSCRIPT OF HOMILY)
Ang pagtatalaga sa dambana ng Manila Cathedral ay kasabay ng pagdiriwang sa ika-60 taon ng muling pagtatatag ng katedral na nawasak noong ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Mahigit sa dalawampung Obispo mula sa Luzon, Visayas at Mindanao ang dumalo dito bilang pagpapakita ng pakikiisa at simbolo ng pag-uwi ng mga pinuno ng simbahan sa ina ng mga simbahan sa buong Pilipinas, ang Katedral ng Maynila, na kauna-unahan sa buong bansa.