24,939 total views
Muling nagbabala ang Augustinian Friar’s ng Basilica Minore del Santo Niño de Cebu sa mananampalataya lalo na sa mga deboto ng batang Hesus na iisa lamang ang official Facebook page ng basilica.
Pinag-iingat nito ang mananampalataya sa pakikipag-ugnayan sa mga pekeng account upang maiwasang maloko lalo sa online transactions.
“The Augustinian friars of the Basilica Minore del Sto. Niño de Cebu would like to inform everyone ONCE AGAIN especially the devotees of the Holy Child that the Basilica has only ONE OFFICIAL FACEBOOK PAGE. Any other facebook pages bearing the name of the Basilica is not in any way connected to the institution. We would like to remind all the faithful to be mindful and careful of these pseudo accounts,” bahagi ng pahayag ng Augustinian friars.
Makailang beses nang ginagamit ang pangalan ng basilica sa iba’t ibang gawaing panloloko sa kapwa lalo’t tanyag ang debosyon ng Santo Nino hindi lamang sa lalawigan ng Cebu kundi maging sa buong mundo.
Hinimok nito ang mananampalataya na i-report ang mga nagsulputang pekeng FB account na ipinangalan sa basilica upang maiwasan ang scam.
Iginiit din ng basilica na hindi nito itinataguyod ang ibang imahe ng Santo Nino na may kaakibat na pampaswerte sapagkat ito ay nakalalabag sa kautusan ng Panginoon at simbahan.
“Moreover, we do not promote the Santo Niño de Cebu with green vestment that brings “paswerte” or “luckycharms.” Sacred images remind us to deepen our trust and faith in God,” anila.
Matatandaang noong Oktubre 2023 pinabulaanan ni Cebu Archbishop Jose Palma ang kumakalat na video promotion sa social media tungkol sa pagbasbas sa imahe ng Santo Nino hubad.
Iginiit ng arsobispo na iisang imahe lamang ng Santo Nino ang itinataguyod ng arkidiyosesis katulad ng nakadambana sa Basilica Minore del Sto. Nino de Cebu.
Matatandaang ang Santo Nino de Cebu ay isa sa mga tanyag na debosyon sa Pilipinas kung saan ipinagdiriwang ang kapistahan tuwing Enero na dinadaluhan ng milyong mananampalataya gayundin ng mga turistang lokal at dayuhan.