338 total views
July 7, 2020, 11:49AM
Inaanyayahan ng Military Ordinariate of the Philippines ang mananampalataya na makiisa sa pananalangin upang mahinto na ang paglaganap ng corona virus hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong daigdig.
Ayon kay Bishop Oscar Jaime Florencio, mahalagang magkaisa ang mamamayan sa paghiling sa Panginoon ng Kanyang habag at awa upang matapos na ang krisis.
Ang mensahe ng obispo ay kaugnay sa gaganaping ‘healing rosary for the world’ sa ikawalo ng Hulyo ganap na alas 9 ng gabi sa inisyatibo ng Kanyang Kabanalan Francisco.
“Inaanyayahan ko kayo to join the healing rosary, the purpose of this is to pray to the Lord; na tayo ay magkaisa sa ating kampanya at pakikipaglaban sa COVID-19; hingin natin sa Panginoon na matuldukan na ito according to His will,” pahayag ni Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Bagamat nakababahala ang patuloy na pagtaas ng kaso, sinabi ng Obispo na mahalagang magkaisa ang bawat indibidwal sa taimtim at tauspusong pananalangin sa Diyos upang gabayan at tulungan sa pagharap sa mga pagsubok na idinudulot ng COVID-19.
Ipagdasal din ni Bishop Florencio, vice chairman ng Health ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga frontliners na kabilang sa hanay ng sandatahang lakas ng Pilipinas at mga kawani ng mga pagamutan.
“We also pray for our frontliners ang AFP, PNP, Coastguard, BJMP, BFP, ang ating men and women in uniform at higit sa lahat ang mga medical professionals na working in the hospital,” ayon kay Bishop Florencio.
Sa pinakahuling ulat ng Department of Health umabot na sa 46, 333 ang nagpositibo sa Pilipinas kung saan 12, 185 ang gumaling habang higit isanlibo naman ang nasawi.
Sa naturang bilang halos isanlibo dito ay mga PNP personnel, at higit sa tatlong libo ay mga medical healthcare workers.