540 total views
Hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya na dumalo sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya sa mga simbahan.
Ito ang panawagan ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David kasunod ng pagluwag ng restriksyong ipinatupad ng pamahalaan mula 2020 dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon sa obispo nawa’y ang karanasan ng pandemya ay nagpapanibago sa puso ng bawat isa at mas nagpapaigting sa pagnanais na matanggap si Kristo.
“We strongly encourage our faithful to return to the Sunday Eucharist with a purified heart, renewed amazement, and increased desire to meet the Lord, to be with him, to receive him and bring him to our brothers and sisters with the witness of a life full of faith, love and hope,” ani Bishop David.
Batid ni Bishop David na malaki ang epekto ng lockdown sa mananampalataya kung saan kabilang ang mga simbahan sa isinara sa publiko at ipinatupad ang online masses upang makaiwas sa malakihang pagtitipon.
Sa liham sircular ng CBCP binigyang diin na mahalagang talakayin ang usapin ng livestreaming ng Banal na Misa kung ito ay kinakailangan sa komunidad alinsunod na rin sa kautusan ng Congregation for Divine Worship and the Discipline of the Sacraments ng Vatican na ang online mass ay para lamang sa mga karamdaman at mga taong walang kakayahang makadalo ng personal sa pagdiriwang sa mga parokya.
Tiniyak ni Bishop David ang mahigpit na pagpatupad ng safety protocol sa loob ng mga simbahan para sa kaligtasang pangkalusugan ng mga dadalo sa misa.
“Health protocols are still to be implemented in our parish churches and venues for the liturgical celebrations. We make sure that our faithful are convinced that they are safe in our churches and venues for the liturgical celebrations,” giit ng opisyal.
Iminungkahi rin ng CBCP sa mga simbahan na ang ‘Act of Spiritual Communion’ ay hindi liturgical prayer kaya’t hindi na ito kinakailangang banggitin sa mga misa sa halip ay ipakita lamang ito sa screen para sa mga nakaantabay sa online mass.
Hinikayat din ni Bishop David ang mga pastol na simbahan na paigtingin ang katesismo hinggil sa kahalagahan ng pagdalo sa Banal na Eukaristiya upang mabigyang sapat na kaalaman ang mananampalataya.
“The constant catechesis on the necessity of our faithful to return to our churches for the Sunday Eucharist should be explained in our homilies and in our catechesis,” saad ni Bishop David.
Sa datos ng Department of Health sa halos apat na milyong dinapuan ng COVID-19 97-percent dito ang gumaling sa karamdaman habang kasalukuyang nilulunasan ang 26 na libong active cases na pawang mild cases lamang.
Kaisa ang simbahan sa pamahalaan sa paghimok sa mamamayan na magpabakuna bilang paunang pananggalang laban sa nakahahawang virus.