482 total views
Hiniling ng kinatawan ng Vatican sa Pilipinas ang panalangin para sa kalusugan ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown, mahalaga ang pananalangin ng bawat isa para sa pagbuti ng kalusugan ng Santo Papa upang makapaglingkod sa Simbahan.
Tiniyak ng Nuncio na sa kabila ng mga karamdaman ay patuloy ang pagganap ni Pope Francis sa kanyang gawaing pagpapastol sa mahigit isang bilyong Katoliko sa mundo.
“Let us continue to pray for the health of Pope Francis, especially since he is scheduled to visit Kazakhstan. Let us entrust him to the maternal care of the Blessed Mother Mary for his strength,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Brown.
Bibisita si Pope Francis sa Kazakhstan para dumalo sa ikapitong Congress of Leaders of World and Traditional Religions sa Setyembre.
Tema ng pagtitipon ang “The Role of Leaders of World and Traditional Faiths in the Socio-Spiritual Development of Humanity after the Pandemic.”
Si Pope Francis na ang ikalawang santo papa na dadalaw sa Kazakhstan kasunod ni Pope St. John Paul II na nagsagawa ng Apostolic Visit noong 2001.
Naging matagumpay din ang pagbisita ng punong pastol ng Simbahang Katolika sa Canada kung saan nakipagpulong ito sa iba’t ibang grupo ng mga katutubo sa bansa gayundin ang paghingi ng paumanhin sa mga kakulangan at karahasang sangkot ang Simbahan.