464 total views
Hinimok ni Cebu Archbishop Jose Palma ang mananampalataya na hingin ang biyaya ng Diyos na muling nabuhay kasabay ng ginaganap na National Mission Congress.
Ito ang mensahe ng arsobispo sa opening mass na ginanap sa Basilica Minore Del Santo Niño de Cebu nitong April 17.
Ayon kay Archbishop Palma, mahalagang buksan ang isipan ng mamamayan upang higit na maunawaan ang bunga ng pagtitipon na bahagi ng 500 Years of Christianity at pagtatapos sa Year of Mission Ad Gentes.
“We will be hearing more insightful, exciting, thoughts about Mission, so stay tuned because we know the week is certainly a blessing. The week is our way of concluding 500 YOC and our way of knowing, even more, the reasons and the ways we can truly be missionaries; let’s pray that above all, we open our hearts to the grace of God, that He who is Risen, and He who reveals to us that indeed He offers us new life,” bahagi ng mensahe ni Archbishop Palma.
Hamon ng arsobispo sa mananampalataya ang paglalakbay ayon sa ‘Communion, Participation, and Mission’ na tema ng Synod on Synodality o pagtitipon ng mga obispo sa buong daigdig na gaganapin sa October 2023.
Sinabi ni Archbishop Palma na maipakikita ng mga Pilipino ang magandang bunga ng kritiyanismo makalipas ang 500 taon sa pamamagitan ng pakikiisa sa paglalakbay ng simbahan sa Pilipinas at pakikipag-ugnayan sa mga komunidad.
Tampok sa ikalawang National Mission Congress ang mga panayam ng iba’t ibang personalidad na makatutulong mapalago ang misyon ng mga Pilipino sa bansa at maging sa iba pang bahagi ng daigdig.
Isasagawa ang mga panayam sa online livestreaming sa pangunguna ng CBCP – Episcopal Commission on Mission katuwang ang iba’t ibang diyosesis kabilang na ang Radio Veritas 846.
Sa April 18 hanggang 19 isasagawa ang International Missiology Symposium sa alas sais hanggang alas nuebe ng gabi tampok sina Fr. Stephen Bevans, SVD; Fr. John Young; at Fr. Danny Huang, SJ at commentary naman mula kay Fr. Andrew Recepcion at Fr. Tony Pernia, SVD na kapwa Missiologist.
Dumalo sa pagbubukas ng Congress sina Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona, pangulo ng CBCP – Episcopal Commission on Mission, CBCP Vice President Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, Cebu Auxiliary Bishop Midyphil Billones at ilang mga bisitang pari. Magtatapos ang pagtitipon sa isang misa at grand procession sa April 24 kasabay ng Kapistahan ng Divine Mercy na pangungunahan ni CBCP President Kalookan Bishop Pablo Virgilio David.