2,233 total views
Hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya na ipanalangin ang nalalapit na Synod of Bishops.
Sa ginanap na day of prayer para sa nasabing pagtitipon sinabi ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na nawa’y magbunga ng higit na paglago bilang simbahan ang talakayan ng mga obispo, relihiyoso at mga layko.
“We need to pray seriously so that this Synod will become a new pentecost event for the universal church.” pahayag ni Bishop David.
Ipinaliwanag ng opisyal na ang pagsasabuhay sa apostolikong simbahan ay ang mananampalatayang nagkakaisa sa misyong ipalaganap si Hesus sa bawat pamayanan.
Binigyang diin ni Bishop David na mahalagang isabuhay ng bawat binyagang kristiyano ang tema ng Synod on Synodality na ‘Communion, Participation and Mission’.
“We cannot be church if we are not in communion with one another,” saad ng obispo.
Itinakda ng Santo Papa Francisco ang unang bahagi ng Synod of Bishops sa October 2023 habang ikalawang yugto naman sa October 2024.
Ipinaliwanag din ni Bishop David ang pagkakataong itinakda ni Pope Francis ang day of prayer sa huling araw ng Mayo na tinaguriang Marian month bilang pagkilala kay Maria na Ina ng Diyos sapagkat nataon din ang sinodo sa Oktubre na Marian month sa pagparangal sa Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo.
Ginanap ang Day of Prayer sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage sa Antipolo City na nilahukan ng 26 na shrine at minor basilica sa bansa/.
Bukod kay Bishop David dumalo rin sa pagtitipon si CBCP Vice President, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, Antipolo Bishop Administrator Francisco De Leon, San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, mga pari at layko.