183 total views
May 15, 2020, 9:28AM
Pinaalalahanan ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang mananampalataya na hindi nababago ngunit nananatili ang mensahe ng Mahal na Birhen sa bawat isa, ang taimtim na pananalangin upang maging ligtas sa anumang krisis, digmaan o pagsubok sa buhay.
Ito ang mensahe ng obispo sa pagdiriwang ng Banal na Misa sa paggunita ng Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Fatima noong ika – 13 ng Mayo kasabay ng pagtatalaga ng buong Pilipinas sa pangangalaga ng Kalinis-linisang puso ni Maria.
Ayon kay Bishop Pabillo, sa pagpakita ng Mahal na Ina bukod tanging pagdarasal lamang ng Santo Rosaryo ang ibinigay na sandata upang labanan ang salot, digmaan at iba pang karahasan sa sanlibutan.
“Subukan natin ang solusyon ng Mahal na Ina; Mama Mary gave the solution, not a vaccine but the weapon to fight evil; prayer, especially the praying of the rosary, penance, conversion and a change of life,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.
Hinimok ng obispo ang bawat mananampalataya na magdasal ng sama-sama partikular ng Santo Rosaryo sa mga tahanan lalo’t mahigpit na ipinatutupad ng pamahalaan ang stay at home policy sa umiiral na enhanced community quarantine.
Giit ni Bishop Pabillo na pagbabagong buhay din ang hamon sa bawat Filipino sa ginanap na pagtatalaga ng Pilipinas sa pangangalaga ng Mahal na Ina kasabay ng ika – 103 anibersaryo ng pagpakita ng Mahal na Birhen sa tatlong bata sa Cova da Iria, Fatima Portugal noong 1917.
Umaasa sa tagapangasiwa ng Arkidiyosesis ng Maynila na sa pagwawakas ng quarantine ay matutunghayan ng Panginoon ang bagong buhay ng mamamayan at mas matibay na pananalig sa Diyos.
“Sana paglabas natin sa ating mga tahanan pagkatapos n quarantine, lumabas tayo na may pagbabago sa pananaw, pananampalataya, pakikiisa sa kapwa at higit sa lahat ang pananamapataya sa Diyos,” ayon ni Bishop Pabillo.
PAMAHALAAN AT SIMBAHAN
Pinasalamatan ni Bishop Pabillo sa ginanap na pagtatalaga ng Arkidiyosesis ng Maynila sa Kalinis-linisang puso ni Maria ang pagdalo at pakikiisa ng limang alkalde sa mga nasasakupang lungsod.
Paliwanag ni Bishop Pabillo magandang indikasyon ang pagkakaisa ng dalawang institusyon sa pananalangin at paghingi ng tulong sa Mahal na Ina upang matapos na ang pandemyang kinakaharap ng mamamayan dulot ng nakamamatay na corona virus na nakahawa sa mahigit apat na milyong indibidwal sa buong daigdig kabilang na ang higit 11 libong Filipino.
Kabilang sa mga dumalo sina Manila Mayor Francisco Domagoso, San Juan Mayor Frnacisco Zamora, Mandaluyong Mayor Carmelita Abalos, Makati Mayor Abigail Binay at Pasay Mayor Imelda Calito – Rubiano.
Bago matapos ang banal na pagdiriwang isinagawa ang pagtatalaga kung saan nag-alay ng panalangin ang mga alkalde at naghandog ng bulaklak sa imahe ng Mahal na Birhen ng Fatima.