541 total views
Binigyang diin ng pinunong pastol ng Arkidiyosesis ng Cebu na dapat magkaisa ang mananampalataya sa pagpapalago ng simbahan.
Ito ang pagninilay ni Archbishop Jose Palma sa kapistahan ng Banal na Santatlo kung saan pinaalalahanan ang bawat isa na bagamat may kanya-kanyang misyon ay mahalagang magkaisa sa panalangin at palalimin ang ugnayan sa Panginoon.
“Each one of us, may kanya-kanyang misyon. Ipanalangin natin na kahit ano pa ang ginagawa natin sa mundo ito ay ginagawa natin para lumago ang ating simbahan; As we perform, we remember, we are one in doing the work,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Palma.
Iginiit ng arsobispo mas maisusulong ang pagmimisyon ng simbahan kung may pagkakaisa ang bawat mananampalataya.
Ito rin ang patuloy na hamon sa bawat binyagang kristiyano lalo ngayong ipinagdiriwang ng simbahan sa Pilipinas ang ika – 500 anibersaryo ng pagdating ng kristiyanismo na unang pinalaganap ng mga dayuhang misyonero noong 1521.
Kasabay din nito tiniyak naman ng Basic Ecclessial Communities ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na palakasin ang munting pamayanan sa bawat komunidad upang higit na mapagtibay ang pananampalatayang kristiyano.
Ayon kay Cagayan De Oro Archbishop Jose Cabantan, chairman ng komisyon malaki ang tungkulin ng BEC sa pagpapalago ng pananampalataya sapagkat dito nagtitipon ang mga pamilya para sa gawaing pagmimisyon ng simbahan.
Umaasa si Archbishop Palma na palalakasin ng mamamayan ang pananampalatayang ipinagkaloob ng Panginoon at makiisa sa misyon ng simbahan na lingapin ang pangangailangan ng kapwa at higit na ipakilala ang Panginoon sa sangkatauhan.