270 total views
Hinimok ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity ang bawat mananampalataya na makiisa sa nakatakdang Day of Prayer and Mourning for Clergy and Religious who died of Violence bukas ika-4 ng Mayo.
Isasagawa ang naturang Araw ng panalangin at pagluluksa para sa mga pinaslang na mga pari at relihiyoso sa University of Santo Tomas sa pakikipagtulungan ng Pontifical and Royal University of Santo Tomas, Center for Campus Ministry, Santisimo Rosario Parish at Sangguniang Laiko ng Pilipinas.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng kumisyon mahalaga ang pagpapakita ng suporta at malasakit ng bawat isa sa nagaganap na karahasan laban sa mga alagad ng Simbahan lalo’t ginugunita ngayong taon ang Year of the Clergy and Consecrated Persons.
Pagbabahagi ng Obispo, maaaring mag-alay ng buong araw o kalahating araw na pag-aayuno bilang pakikiisa sa nakatakdang gawain ang mga hindi makapupunta ng personal sa UST kung saan isasagawa ang pagtitipon.
“Sana hinihiling natin na lahat tayo ay maging concern dapat dito na sa panahon naman tayo Taon tayo ng Clergy and the Religious Life, Consecrated Persons kaya kailangan sana makiisa tayo at ang panalangin ay puwede nating gawin sa ating mga tahanan at inaanyayahan ko yung may kaya pwede naman kayo mag-alay ng ayuno, buong araw na ayuno o kalahating araw ng pag-aayuno pero kung sinong makakapunta po sa UST at least sa gawaing ito na 4pm na holy hour tapos 5:15pm ay ang ating misa, sana makadalo kayo…” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radyo Veritas.
Magsisimula ang gawain ganap na alas-kwatro kinse ng hapon kung saan isasagawa ang Adoraton of the Blessed Sacrament and Entrustment of the Clergy and Consecrated Persons to the Most Sacred Heart of Jesus sa Santisimo Rosario Parish Church.
Susundan ito ng Holy Mass for the Eternal Repose of Fr. Mark Anthony Ventura and all Clergy and Religious who died of violence na pangungunahan ni Bishop Pabillo na susundan naman ito ng Candlelight Prayer Service ganap na alas-sais kinse ng gabi bilang pakikiisa sa lahat ng mga Pari at mga relihiyoso na nakararanas ng pag-uusig.
Samantala, bukod sa pag-aalay ng panalangin para sa mga kaluluwa ng mga Pari at mga relihiyosong namatay sa gitna ng karahasan ay umaasa rin si Bishop Pabillo na hindi makalimutan at maging inspirasyon para sa lahat ang taospusong serbisyo ng mga ito.
Muli ring nanawagan ang Obispo sa mga otoridad na maging masikap sa pagbibigay katarungan at pagpapanagot sa lahat ng mga salaring pumaslang sa lahat ng mga Pari at relihiyosong lingkod ng Simbahan.
Sa tala naman ng Pontifical Institute for Foreign Missions (PIME) mula Marcos hanggang PNoy Administration ay nasa 13-Pari ang napaslang sa buong bansa bukod pa dito pagkakapaslang kina Fr Fausto Tentorio noong 2011; Father Marcelito Paez noong Disyembre ng nakalipas na taong 2017 at ang pinakahuling pagpatay kay Fr. Mark Anthony Ventura na binaril matapos ang kanyang pinangunahang misa sa Brgy. Peña Weste, Gattaran, Cagayan.