8,014 total views
Umapela si Cebu Archbishop Jose Palma sa mamamayan na makiisa sa panawagang Day of Prayer and Fasting for Peace ng Papa Francisco sa October 7.
Sinabi ng arsobispo na malaki ang maitutulong ng mga panalangin, pag-aayuno at pagsasakripisyo para sa matamo ng mundo ang kapayapaang hatid ni Hesus lalo na sa mga bansang patuloy umiiral ang mga karahasan.
“We look forward to the invitation of the Pope for the Day of Prayer and Fasting for Peace. We all know the strength of the power of prayer, but more so when sacrifices, fasting, and almsgiving accompany it. So, to all of you, let us continue to believe that despite many concerns, God is with us, and with God’s blessing, we can be truly Christians who journey believing in a tomorrow sustained by God’s love,” pahayag ni Archbishop Palma sa Radio Veritas.
Gayundin ang mga panalangin para sa ikatatagumpay ng huling bahagi ng Synod of Bishops sa Vatican na pinangunahan ni Pope Francis kung saan kabilang sa mga dumalo sina Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, CBCP Vice President, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara kasama si Fr. Rico Ayo.
Binigyang diin ni Archbishop Palma ang pananalangin ng santo rosaryo lalo’t sa October 7 ipagdiriwang ang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo upang hilingin ang pamamatnubay ng Mahal na Ina.
Partikular na paglaanan ng panalangin sa Day of Prayer and Fasting for Peace ang kaguluhan sa Middle East lalo’t ito rin ang unang anibersaryo ng Israel-Hamas war sa Holy Land.
Bukod pa rito ang tumitinding tensyon sa Lebanon, Yemen, Myanmar, Iran at iba pang mga bansa sa Middle East gayundin sa Ukraine at Russia.
Hiniling din ni Pope Francis sa mga dumalo sa synod na samahan sa pag-aalay ng panalangin sa Basilica of Saint Mary Major sa harap ng nakadambanang imahe ng Salus Populi Romani.
Matatandaang sa pagsimula ng pamumuno ng Papa Francisco noong 2013 ay naglalaan ito ng araw para sa Day of Fasting and Prayer para sa mga lugar na umiiral ang digmaan at karahasan.
2017 nang humiling ito ng Day of Prayer and Fasting para sa Democratic Republic of the Congo at South Sudan, 2020 nang magkaroon ng malakas na pagsabog sa Beirut Lebanon habang 2021 naman para sa Afghanistan.