2,096 total views
Nawa ang bawat mananampalataya ay makiisa sa mga gawain sa Kuwaresma na magsisimula sa February 22 – ang araw ng Miercoles de Ceniza o Ash Wednesday.
Ito ang paghihikayat ni Fr. Gregory Gaston ng Pontificio Collegio Filippino sa Roma sa mga mananampalataya lalo na sa mga Filipino community sa Italya.
Ayon sa pari, bagama’t hindi obligasyon ang pagsisimba at pagpapalagay ng abo sa noo ng mga mananampalataya ito ay isang magandang tradisyon na nagpapaalala sa pagsisisi, pagtitika at pagpapanibago.
“Kung kaya ninyo pumunta kayo sa Simbahan sa Ash Wednesday at makapaglagay ng abo. Hindi lang ‘yan pakitang tao, kundi ito ay isang imbitasyon upang magbago ng ating buhay, upang magsisi,” ayon sa paanyaya ni Fr. Gaston.
Paalala rin ng pari, ang pangungumpisal sa panahon ng Kuwaresma bilang paghahanda sa Mahal na Araw kung saan ginugunita ng sambayanang Kristiyano ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus na ating manunubos.
“Sapagkat sa pangungumpisal, pinapatawad Niya ang ating kasalanan at hindi lamang ‘yan, binibigyan tayo ng lakas ng grasya ng Panginoon upang mas madali nating malabanan ang tukso, ang kasalanan, at ang mga tinatawag na ‘circumstances’ (mga kalagayan, lugar, tao o mga oras) na baka magkasala tayo,” ayon pa kay Fr. Gaston.
Ang Kuwaresma ay ang 40-araw na paghahanda ng Simbahan sa nalalapit na Holy Week o Semana Santa na gugunitain sa April 2 hanggang April 8.