1,846 total views
Umapela si Cebu Archbishop Jose Palma sa mamamayan na paigtingin ang pananalangin ng Santo Rosaryo.
Sa pagdiriwang ng kapistahan ng Our Lady of Divine Grace Parish sa Cebu, iginiit ng arsobispo na isang magandang uri ng panalangin ng Santo Rosaryo sapagkat nilalaman nito ang pagninilay sa buhay ni Hesukristo.
Sinabi ni Archbishop Palma na ang pagdarasal nito ay makatutulong makamit ng lipunan ang pagbubuklod ng mamamayan.
“The Rosary is a powerful instrument to combat evil and to attain grasya ug kalinaw sa kalibutan [kapayapaan ng sanlibutan].” bahagi ng mensahe ni Archbishop Palma.
Matatandaang sa pagpakita ng Mahal na Birhen sa tatlong bata sa Fatima noong July 13, 1917 hiniling nito ang araw-araw na pananalangin ng Santo Rosaryo upang makamtan ang kapayapaan sa buong daigdig.
Bukod pa rito ang kahilingang pagdedebosyon sa Kalinislinisang puso ni Maria, First Saturday devotions kasama na ang pagtanggap sa sakramento ng pagbabalik loob at pagtanggap ng Banal na Komunyon.
Hiling din ng Mahal na Birhen ang pagbabayad puri at mga sakripisyo tulad ng pagsunod sa mga utos ng Panginoon gayundin ang pag-alay ng panalangin sa mga namayapa sa katubusan ng kanilang kasalanan.
Sa nagdaang pandemya pinasimulan ng Santo Papa Francisco ang ‘Healing Rosary for the World’ para sa kaligtasan at paghilom ng mundo sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa Pilipinas ipinagpatuloy pa rin ang pagdarasal nito tuwing Miyerkules sa alas nuwebe ng gabi kung saan bukod sa paghilom ay dalangin din ang pagwawakas sa mga digmaan sa iba’t ibang bahagi ng mundo.