4,516 total views
Hinikayat ng opisyal ng simbahan ang mananampalataya na salubungin ang bagong taon na puno ng pag-asa at kagalakan.
Ayon kay Antipolo Bishop Ruperto Santos ang kasalukuyang kura paroko ng International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage tema ng kanilang pagdiriwang ang “Bagong Taon, Bagong TAO” kung saan pagninilayan ang tatlong katangiang ‘Trustworthy, Available, Obedient (TAO)’ na makatutulong sa paghubog ng pagkatao at magpapalalim sa ugnayan sa Diyos.
Sinabi ni Bishop Santos na ang mga nasabing katangian ang ipinamalas ng Mahal na Birheng Maria kaya’t mahalagang pagnilayan at gawing huwaran ang kanyang mga halimbawa sa paggunita ng Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos.
Aniya tulad ng pagtitiwala ng Diyos kay Maria at Jose na pangalagaan si Hesus sa sanlibutan nawa’y sikapin ng mananampalataya na maging tapat at maasahan sa pakikipag-ugnayan sa kapwa upang maipadama ang diwa ni Kristo sa pamayanan.
“As we celebrate the New Year and the Solemnity of the Blessed Virgin Mary, Mother of God, let us embrace the virtues of being Trustworthy, Available, and Obedient that our Blessed Mother demonstrated to us. Let us pray for the strength and wisdom to live out these virtues in our daily lives, so that we may become new creations in Christ. Remember, Bagong Taon, Bagong TAO,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos.
Hinimok din ni Bishop Santos ang mamamayan na maging bukas sa pangangailangan ng kapwa kabilang na ang pagbibigay ng panahon lalo na sa mga mahal sa buhay upang higit na mapagtibay ang mga samahan tungo sa matatag na pananampalataya.
“By being available, we open our hearts to the grace and blessings that come from our deep connection to God and acts of kindness,” dagdag ng obispo.
Tinuran din ng opisyal ang pagiging mapagkumbaba at masunurin ni Maria sa kalooban ng Diyos sa kabila ng mga agam-agam at pangamba sa maaring kakaharaping hamon sa pagdadalantao sa anak ng Diyos.
Iginiit ni Bishop Santos na maisasabuhay ng tao ang pagiging masunurin sa maliliit at payak na pamamaraan tulad nang pagpapakita ng kabutihan sa kapwa at pagsunod sa kautusan ng Diyos.
Sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) 90 porsyento sa mga Pilipino ang umaasang may magandang bukas ang taong 2025 sa kabila ng mga suliraning panlipunan ang kinakaharap ng bansa.
Gayunpaman sinabi ni Bishop Santos na tulad sa tema ng Jubilee Year 2025 na ‘Pilgrims of Hope’nawa’y ituon ng bawat tao sa Diyos ang mga alalahanin sapagkat bukod tanging si Hesus ang pag-asa sa kanyang pagkakatawang tao at pakikipamuhay sa sanlibutan.