913 total views
Hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care (CBCP-ECHC) ang mananampalataya na higit na ipakita ang pagdamay at pagmamalasakit sa mga may karamdaman.
Ito ang mensahe ni Military Bishop Oscar Jaime Florencio sa paggunita sa 31st World Day of the Sick na may temang “Take Care of Him: Compassion as a synodal exercise of healing”, mula sa mensahe ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Ayon kay Bishop Florencio, tungkulin ng bawat isa na pangalagaan ang kapwa lalo’t higit ang mga may sakit upang madama na mayroon itong karamay at agad na makamtan ang kagalingan.
“We are are to take care of our brothers especially those who are sick. Be united with them in their pains and sufferings because we are our brothers’ keeper,” bahagi ng pahayag ni Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Paliwanag ng Obispo na panawagan ng Santo Papa Francisco sa tema ng pandaigdigang araw ng mga may sakit na ang pagiging isang pamilyang naglalakbay bilang simbahan ay tunay na nakahandang dumamay at kumalinga sa mga nakakaranas ng pagsubok sa buhay.
“The message even went as far as the sort of the Good Samaritan. We are indeed one family journeying together. Our compassion and being with the sick is already more than enough for them,” ayon kay Bishop Florencio.
Kaugnay nito, magsasagawa ng bloodletting activity ang CBCP-ECHC sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral sa Antipolo City, Rizal sa February 11, 2023 mula alas-otso ng umaga hanggang alas-tres ng hapon.
Susundan naman ito ng Banal na Misa at Anointing of the Sick sa ganap na alas-3:30 ng hapon na pangungunahan ni Antipolo Bishop Francisco de Leon.
Ang paggunita sa World Day of the Sick ay inilunsad ni Saint Pope John Paul II noong 1992 bilang pagpapakita ng suporta at pag-aalay ng panalangin sa mga may karamdaman at sa masigasig nitong mga tagapag-alaga.
Ang obserbasyon ay ginaganap taun-taon tuwing Pebrero 11, kasabay ng Paggunita sa Mahal na Birhen ng Lourdes.