1,805 total views
Ipinawalang bisa ng Diocese of Malolos ang pansamantalang pagpahintulot na hindi magampanan ang obligasyong dumalo sa Banal na Misa tuwing Linggo at Pistang Pangilin.
Sa bisa ng liham sirkular ni Bishop Dennis Villarojo,hinimok nito ang mananampalataya na magsimba ng pisikal sa mga parokya simula June 11, 2023 sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ni Kristo.
“At the conclusion of the pandemic that compelled limited opportunities to worship in person… we are hereby lifting the dispensation given to the faithful from personally participating in the Mass due to civil restrictions imposed on account of the Covid-19 pandemic,” bahagi ng pahayag ni Bishop Villarojo.
Ipinag-utos ng obispo sa mga kura paroko ang pagpapaigting ng katesismo sa mamamayan hinggil sa kahalagahan ng pisikal na pakikiisa sa Banal na Eukaristiya tuwing Linggo.
“Let us ardently encourage the faithful to encounter God through the Church in her communal celebration of the Sacred Mysteries,” ani ng obispo.
Matatandaang Oktubre 2022 nang himukin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya na muling dumalo sa mga pagdiriwang at gawaing simbahan sa mga parokya kasunod ng pagluwag ng mga panuntunan sa COVID-19 pandemic.
Binigyang diin ng simbahan na bilang kristiyanong pamayanan ay nararapat na tumanggap ng Banal na Komunyon sa pakikiisa ng Banal na Misa maliban lamang sa mga may karamdamang walang kakayahang magtungo sa mga simbahan.
Kamakailan ay inatasan ng diyosesis sa pamamagitan ng Commission on Social Communications ang mga parokya na limitahan sa dalawa ang livestreaming ng misa tuwing Linggo, isa sa umaga at isa sa hapon, upang mahikayat ang mamamayan na magtungo sa mga simbahan.
Bukod pa rito ang pagbibigay tuon sa content creation na may kinalaman sa mga turo ng simbahan bilang pagpapaigting sa katesismo gamit ang online platform.