20,622 total views
Hinimok ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mananampalataya na makiisa sa pagsisimula sa 40 araw na paghahanda sa Paschal Triduum ng simbahan.
Ito ang mensahe ng obispo sa Miércoles de Ceniza o Ash Wednesday sa February 14 kasabay ng pagdiriwang ng Valentine’s Day.
Inihayag ni Bishop Uy na magandang pagkakataon ang dalawang pagdiriwang sapagkat sasariwain ang diwa ng pag-ibig sa kapwa at sa Panginoon.
Ipinagdarasal ng Obispo na gunitain ito ng mananampalataya na puno ng kabanalan sa halip na marangyang gawain dahil hudyat ito ng pagsisimula ng kuwaresma.
“This year’s Valentine’s Day coincides with Ash Wednesday. We highly encourage our Catholic brothers and sisters to honor the sanctity of this day by attending mass, offering sacrifices (fast and abstain), and by not engaging in noisy and festive activities,” bahagi ng pahayag ni Bishop Uy.
Una nang binigyang diin ng Santo Papa Francisco na ang kuwaresma ay panahon ng paglalakbay tungo sa pagpapanibago at pagbabalik loob sa Panginoon, pagpapasigla sa pananampalataya, pagbibigay pag-asa at patuloy na pagpamalas ng pag-ibig sa kapwa.
Paalala pa ng santo papa na ang karanasan ni Hesus na nagpakasakit at namatay sa krus upang tubusin ang sangkatauhan ay isang tanda ng dakilang pag-ibig na nararapat palaganapin sa pamayanan.
Kaugnay nito inaanyayahan ng Radio Veritas ang mananampalataya na makiisa sa mga misa sa Radio Veritas chapel kung saan sa alas sais ng umaga ito ay pangungunahan ni Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias, sa alas dose ng tanghali ay si Cubao Bishop Honesto Ongtioco habang sa alas sais ng hapon ito ay pangungunahan ni Novaliches Bishop Roberto Gaa.