1,361 total views
Naniniwala ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ang taunang Walk for Life ay isang pambihirang pagkakataon upang maipamalas ng lahat ang sama-samang paninindigan sa kasagraduhan ng buhay.
Ito ang ibinahagi ni Novaliches Bishop Roberto Gaa, chairman ng CBCP- Episcopal Commission on Vocations (ECV) kaugnay sa nakatakdang Walk for Life 2024 sa ika-17 ng Pebrero, 2024.
Ayon sa Obispo ang taunang gawain ay isang pagkakataon upang tuwinang maipamalas ng Simbahan ang pakikipaglakbay nito patungo sa iisang layunin na isulong ang karapatan, kasagraduhan at dignidad ng buhay ng bawat nilalang sa lipunan.
“Sana po ay maging opportunity ito yung Walk for Life, yung mission of accompaniment sa Simbahan. Ganyan naman talaga ang misyon ng Simbahan na ‘walk with’ not to be ahead, not to be behind but to walk with, at para sa akin ay isang pagkakataon ito na sabay sabay tumungo sa isang layunin na magkaroon ng buhay, makabuluhan na buhay ang lahat.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Gaa sa Radio Veritas.
Ang taunang Walk for Life ay unang isinagawa noong taong 2017 na dinadaluhan ng mga laiko mula sa iba’t ibang diyosesis at lay organization na isinasagawa din sa iba pang diyosesis sa buong bansa.
Napiliping tema ng “Walk for Life 2024” ang “Together, We Walk for Life” na nakatakda sa ika-17 ng Pebrero, 2024 mula alas-kwatro ng madaling araw hanggang alas-otso ng umaga.
Magsisimula ang paglalakad para sa buhay sa Welcome Rotonda, Quezon City patungo sa University of Santo Tomas (UST) Grandstand sa España, Manila kung saan inaasahang pangungunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang pagdiriwang ng banal na misa.
Bukod kay Cardinal Advincula, inaasahan rin ang pakikibahagi sa nakatakdang Walk for Life 2024 nina CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David; CBCP-Episcopal Commission on the Laity Chairman, Dipolog Bishop Severo Caermare; at Novaliches Bishop-emeritus Antonio Tobias.