2,248 total views
Hinimok ng Diyosesis ng Imus ang mga mananampalataya na bumalik na sa pisikal na pagdalo sa mga banal na pagdiriwang.
Sa liham-sirkular ni Bishop Reynaldo Evangelista, binawi na ng Obispo ang dikreto na nagpapahintulot na hindi pisikal na dumalo sa mga Banal na pagdiriwang tuwing Linggo sa kasagsagan ng coronavirus pandemic.
Ang nasabing dikreto ay ipinatupad noong Hulyo 8, 2020 kasunod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, at opisyal namang magtatapos sa Abril 02, 2023.
“For this reason, the faithful are enjoined to be physically present and actively participate in all Sunday Eucharistic Celebrations, while still observing minimum health protocols,” bahagi ng liham-sirkular ni Bishop Evangelista.
Alinsunod ito sa naunang panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na pisikal nang dumalo sa mga Misa tuwing Linggo kasunod ng pagbuti ng kalagayan ng bansa mula sa pandemya.
“As we all journey together in faith, may our desire to receive the Lord Jesus, who is wholly and truly present in the Sacrament of the Eucharist, lead us constantly to a life of holiness and charity,” ayon sa pahayag.
Patuloy namang hinihikayat ng simbahan ang bawat isa na sundin ang minimum public health standard tulad ng pagsusuot ng facemask, at ang pagtangkilik sa COVID-19 vaccines bilang karagdagang proteksyon laban sa virus.
Magugunitang naging epektibong paraan ang social media para maipalaganap sa pamamagitan ng online livestreaming ang mga Banal na Misa upang mapanatiling ligtas sa virus ang mga mananampalataya habang nasa loob ng mga tahanan.