197 total views
Hinimok ng Simbahan ang mananampalataya na paglingkuran ang kapwa.
Hinihikayat ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, Vice President ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang mga volunteer ng Social Services and Development Ministries ng iba’t ibang mga Parokya na pag-ibayuhin ang pagtulong sa kapwa.
“Pakiusap ko sa inyong lahat na ipagpatuloy ninyo ang inyong sigasig sa paglilingkod lalong lalo na sa mga dukha.” pahayag ni Bishop David sa Radio Veritas.
Binigyang diin sa pagninilay ng Obispo na higit kinalulugdan ng Panginoon ang mga mahihirap.
Ayon kay Bishop David, hindi nararapat na ang mga dukha bilang benepisyaryo lamang sa mga kawanggawa dahil mas higit silang nakapagbibigay sa Panginoon at sa kapwa lalo na sa paglilingkod.
Ayon sa ensiklikal ni Pope Emeritus Benedict XVI na Deus Caritas Est, dahil sa pagsusumikap ng mamamayan na makamit ang katarungan at pag-ibig sa kasalukuyang panahon, nabuo ang pagtutulungan ng estado at Simbahan sa pagtataguyod ng buhay ng bawat mamamayan.
Bukod dito, lumalago rin ang mga Charitable Institutions na layong makipagkaisa sa Simbahan sa pagtugon sa mga suliraning panlipunan na kinakaharap ng mga indibidwal kabilang na ang mga Volunteer Work na tungkuling tumulong sa paghahatid ng iba’t ibang serbisyo sa mamamayan.
Sa tala ng Caritas Manila, ang social action arm ng Archdiocese ng Maynila mayroon itong 3, 000 volunteers sa mga komunidad habang 12, 000 naman ang mga donors.