1,159 total views
Hinikayat ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mananampalataya na sama-samang paghandaan ngayong Adbiyento ang Pasko ng pagsilang ng Panginoon at ang Ordinary Jubilee Year sa susunod na taon.
Sa liham sirkular, sinabi ni Cardinal Advincula na magandang pagkakataon ang Adbiyento upang ihanda ang mga sarili sa pagdiriwang ng Banal na Taon na may temang “Pilgrims of Hope”.
Ang pagdiriwang sa Arkidiyosesis ng Maynila ay bibigyang-diin ang tatlong mahahalagang aspeto: ang Mukha ng Pag-asa, Paglago sa Pag-asa, at Pagbibigay ng Pag-asa.
“We will use this framework to guide our celebrations, activities, and experiences in all levels and sectors of the Archdiocese,” ayon sa sirkular ni Cardinal Advincula.
Bilang bahagi ng paghahanda, iminungkahi sa mga parokya, mission stations, at mga pamayanan na gamitin ang inihandang catechetical videos ng arkidiyosesis, na maaaring ipalabas lalo na sa Simbang Gabi upang higit na maunawaan ng mga mananampalataya ang kahulugan ng Jubilee Year.
Inaanyayahan din ni Cardinal Advincula ang lahat na makibahagi sa maringal na pagbubukas ng Jubilee Year sa December 30, 2024, ganap na alas-3 ng hapon sa Plaza Moriones, Fort Santiago, Intramuros, Maynila.
Dito’y isasagawa ang pilgrimage mula Plaza Moriones patungo sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o Manila Cathedral, bilang simbolo ng sama-samang paglalakbay ng mga mananampalataya bilang mga ‘Kalakbay ng Pag-asa’.
“I hope that this invitation may favor your enthusiasm and participation. May our hearts be filled with the light of Christian hope and illumine us to bear faithful witness in every part of the world,” saad ni Cardinal Advincula.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa ad hoc committee para sa arkidiyosesanong pagdiriwang ng Jubilee Year sa email na [email protected].
Maaari ring bisitahin ang official facebook page na Lakbay Pag-asa – Arkidiyosesis ng Maynila, para sa mga update at iba pang detalye ng pagdiriwang.