180 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na panibaguhin ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagtulad kay Maria.
Ayon sa Kardinal, ang kapistahan ng pag-aakyat kay Maria sa langit ay nagtuturo sa mga mananampalataya kung paano nito paninibaguhin ang kanilang buhay patungo sa pagtamasa ng kadakilaan ng Panginoon.
Sa unang puntong ibinahagi ni Kardinal Tagle, binigyang diin nito ang kahalagahan ng pakikinig sa salita ng Diyos at pagkilos ng naaayon dito, tulad ng ipinamalas ni Maria.
Ayon sa Kardinal, hindi magkakaroon ng tunay na pagbabago sa buhay, ugali, isip at ugnayan sa sambayanang Kristiyano kung makikinig lamang ang mga tao sa dikta ng salita ng kung sino-sino at hindi sa salita ng Diyos.
“Walang tunay na pagpapanibago ng buhay, ugali, pag-iisip at ugnayan sa sambayanang Kristyano kung hindi natin seseryosohin ang salita ng Diyos… pero hindi lang pinakikinggan, sinasampalatayanan [dapat] ikinikilos.” bahagi ng Homiliya ni Kardinal Tagle.
Ikalawang ibinahagi ng Kardinal ay ang kaugnayan ni Maria kay Kristo.
Sinabi ni Cardinal Tagle na nakasentro ang buhay ni Maria kay Hesus kaya nang umakyat si Kristo sa kalangitan ay iniakyat din si Maria sa langit.
Iginiit ng Kardinal na kailangang pahalagahan at pangalagaan ng bawat tao ang kanilag ugnayan kay Kristo dahil ang ugnayang ito ang magliligtas sa mga tao.
Samantala, huling binigyang diin ng Kardinal na kaakibat ng pagsunod sa landas na tinahak ni Maria ay ang paglilingkod sa mga mahihirap, sa mga maliliit at sa mga binabalewala sa lipunan.
Naniniwala ang Kardinal na kung kaugnay ng ating buhay si Hesus ay nararapat na kaugnay din natin ang mga mahihirap sa pamamagitan niya.
Tulad ni Maria, umaasa ang Kardinal na matutularan ng mga mananampalataya ang ipinamalas nitong kababaang loob hindi pagiging mayabang.
“Si Maria lalong pinararangalan, lalong ibinababa ang sarili at nakikiisa sa mga mabababang tao… Habang itinataas siya, inilalapit niya ang kanyang sarili sa mga yagit ng lipunan. Nariyan ang pagpapanibagong buhay ng sambayanan.” bahagi ng Homiliya ni Kardinal Tagle.