372 total views
Inaanyayahan ng Military Ordinariate of the Philippines ang mga mananampalataya na makibahagi sa isasagawang closing ceremony ng Diocesan Synod on Synodality consultation.
Isasagawa ito sa Linggo, May 22, 2022 ganap na alas-dos ng hapon sa Shrine of Saint Therese of the Child Jesus sa Newport City Complex, Pasay City.
Sa video message ni Bishop Oscar Jaime Florencio, nagpaabot ito ng pasasalamat sa lahat ng nakibahagi at nag-alay ng panalangin para maging maayos at mapayapa ang konsultasyon.
Nakapaloob naman sa closing ceremony ang ilang programa na susundan ng banal na Misa sa ganap na alas-singko ng hapon na pangungunahan ni Bishop Florencio.
“Magkakaroon po tayo ng kaunting programa and then magkakaroon ng misa to culminate the whole diocesan synodal activities,” paanyaya ni Bishop Florencio.
Ang synodal consultation ay bahagi ng panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco bilang paghahanda sa Synod of Bishops sa 2023 na binuksan noong Oktubre 2021.
Layunin ng synodal journey na makalikha ng preparatory document na isusumite sa Vatican upang talakayin sa pagtitipon ng mga obispo sa susunod na taon.
Saklaw ng Military Ordinariate of the Philippines ang pangangasiwa sa paggabay sa buhay espiritwal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management & Penology (BJMP), at Veterans Memorial Medical Center (VMMC).