143 total views
Inaanyayahan ng Roman Catholic Archdiocese of Manila – Ministry on Health Care ang mga kapanalig na makibahagi sa isasagawang webinar-workshop hinggil sa pangangalaga ng kalusugan lalo na ngayong pandemya.
Ito ay pinamagatang ‘Sabado Nights to Remember’ na mayroong apat na bahagi at isasagawa sa pamamagitan ng Zoom tuwing Sabado ng Agosto sa ganap na alas-otso ng gabi.
Unang magbabahagi sa webinar mamayang gabi si Glenn Aldaba, isang certified Fitness Instructor, upang talakayin ang paksang ‘Gusto ko Fit Ka! Fitness is Essential’ na ipapaliwanag ang wastong pagpapanatili sa pisikal na kaayusan ng katawan.
Habang sa Agosto 14 ay tatalakayin naman ang usapin hinggil sa kalusugang pang-emosyonal na ihahatid ni Eric Dimar, isang registered Guidance Councilor; sa Agosto 21 ay ang kalusugang pangkaisipan na ihahatid ni Jun Arive, isang registered Psychologist; at sa Agosto 28 naman ay ang aspetong pang-espiritwal na tatalakayin ni Fr. Alfredo “Bong” Guerrero, Parochial Vicar ng Parish of the Holy Sacrifice sa University of the Philippines-Diliman.
Bago ang webinar, sa ganap na alas-siyete ng gabi ay isasagawa muna ang isang Banal na Misa bilang hudyat ng pagsisimula ng programa.
Sa mga nais na makibahagi sa nasabing webinar, bisitahin lamang ang Facebook page ng RCAM-Ministry on Healthcare para sa karagdagang impormasyon.