392 total views
Inaanyayahan ng Most Holy Trinity Parish sa Balic Balic Sampaloc Manila ang mananampalataya na makiisa sa kauna-unahang pagdiriwang ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia nitong Setyembre.
Sa unang pagkakataon isasagawa sa Metro Manila ang ‘PAGSUNGKO’ o kahalintulad sa Peñafrancia festival sa Bicol region ngunit gagawin itong motorcade sa Mahal na Ina.
Inatasan ni Reverend Father Eric Adoviso, kura paroko ng Most Holy Trinity si Fr. Joebert Fernandez na pangunahan ang paghahanda sa pagdiriwang bilang paraan ng simbahan ng paghingi ng tulong sa Mahal na Birhen ng Peñafrancia na mawakasan na ang corona virus pandemic.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Fr. Fernandez, isinalaysay nito ang ambag ng Mahal na Birhen upang pigilan ang epekto ng epidemya ng kolera noong ika – 17 siglo na pinaniniwalaang makatulong ito sa kasalukuyang kinakaharap na pandemya.
“Inatasan ako ni Fr. Eric [Adoviso] na simulan ang Peñafrancia; nakita namin sa history ng Penafrancia wayback 1700’s nagkaroon po ng epidemya na kung saan marami ang namatay; sa Bicol naman dinala yung image [Our Lady of Peñafrancia] at yun ang ginamit nila na pansangga sa epidemya ng kolera kaya zero casualty ang Bicol; sumikat at kinilala si Ina sa Naga City at naging Ina ng Bicol region,” pahayag ni Fr. Fernandez sa Radio Veritas.
Pangungunahan ng grupo ng mga Bicolanong pari at seminarista ang gawain kung saan sa ika – 11 ng Setyembre ay magsisimula ang siyam na araw na nobenaryo na magtatapos sa ika – 19 ng buwan.
Tiniyak ni Fr. Fernandez na ang PAGSUNGKO ay hindi lamang basta motorcade kundi nakaugat sa pananalangin sa Diyos sa tulong ng Mahal na Ina ng Peñafrancia at babaunin ng bawat dadalo at makiisa hanggang sa pag-uwi sa kanilang mga tahanan.
“Nililinaw namin na ang prusisuyon ay hindi lang paglalakad-lakad, kundi ang prusdisyon ay prayerful going with the Blessed Virgin; yung mga nasa loob ng sasakyan o yung mga magmomotor ay makiisa sa panalangin at babalik sila sa kanilang tahanan baon ang mga gawi ni Mama Mary,” dagdag ng pari.
Sa pag-ikot ng motorcade ng Ina ng Peñafrancia, hinimok ni Fr. Fernandez ang mananampalataya na magsindi ng kandila sa pagdaan ng prusisyon.
Mahigpit na tagubilin naman ng Simbahan ang safety health protocol tulad ng pagsusuot ng facemask, face shield at physical distancing bilang pag-iingat sa nakahahawang sakit.
“Kahit na humihingi tayo ng tulong ni Mama Mary na matapos na ang pandemic, gawin din natin yung dapat nating gawing pag-iingat,” giit ng pari. Ang kauna-unahang PAGSUNGKO ay gaganapin sa ika – 19 ng Setyembre mula ala-una hanggang alas singko ng hapon na iikot sa paligid ng Sampaloc Manila kasabay ang pagdarasal ng Santo Rosaryo.
Pormal namang nailuklok sa Most Holy Trinity Parish ang imahe ng Mahal na Ina na nagmula pa sa Bicol region na binasbasan ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona.
Samantala, nagpaabot naman ng paunang pasasalamat ang organizers ng PAGSUNGKO partikular sa lokal na pamalaan ng lunsod ng Maynila sa pagpapahintulot na isasagawa ang banal na gawain at maging sa national government sa pamamagitan ni Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na nagbigay pahintulot na madala ang imahe mula Bicol patungong Manila.