365 total views
Inaanyayahan ni Diocese of San Carlos Bishop Gerardo Alminaza ang lahat ng mga mananampalataya sa diyosesis na aktibong makibahagi sa paggunita ng Simbahan sa Year of St. Joseph na idineklara ng Santo Papa Francisco ngayong taon.
Sa liham sirkular ay nanawagan sa buong diyosesis si Bishop Alminaza upang sama-samang makibahagi sa paghahanda para sa nakatakang National Day of Consecration to St. Joseph sa Mayo-uno.
Ayon sa Obispo, mahalaga ang partisipasyon ng lahat upang ganap na maging makabuluhan ang nakatakdang pagtatalaga ng bansa sa pangangalaga ni San Jose lalo na sa gitna ng patuloy na banta ng pandemya sa bawat isa.
Kabilang sa mga gawaing nakahanay para sa nakatakdang National Day of Consecration to St. Joseph ay ang Novena Masses sa karangalan ni San Jose mula sa ika-22 hanggang ika-30 ng Abril bilang paghahanda sa National Day of Consecration to Saint Joseph sa National Shrine of Saint Joseph sa Mandaue City, Cebu kasabay ng Kapistahan ni San Jose Manggagawa sa unang araw ng Mayo.
Hinikayat din ni Bishop Alminaza ang aktibong pakikibahagi ng bawat pamilya sa nakatakdang Consecration of the Families sa ika-8 ng Disyembre at ang isang buong taong higit na pagpapaigting ng pananampalataya at debosyon kay San Jose na mahalaga ang papel na ginampanan sa katuparan ng pangakong kaligtasan ng Panginoon sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagiging sandigan at tagapangalaga ng Mahal na Birheng Maria at ni Hesus na siyang tagapagligtas.
Nakasaad sa Liham Apostoliko ng Kanyang Kabanalan Francisco na may titulong “Patris Corde” ang deklarasyon ng Santo Papa Francisco sa pagdiriwang ng Year of Saint Joseph mula Disyembre 8, 2020 hanggang Disyembre 8, 2021 bilang paggunita na rin sa ika-150 anibersaryo ng pagkakadeklara kay San Jose bilang Patron ng buong Simbahang Katolika.
Attached: San Carlos Bishop Gerardo Alminaza Circular Letter