611 total views
Inaanyayahan ng Nuestra Señora De La Soledad De Manila Parish sa Tondo Manila ang mananampalataya na dumalo sa pagbabasbas ng mga imahe sa November 1 sa pagdiriwang ng Todos Los Santos.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Fr. Douglas Badong ang kura paroko ng parokya, ito ay paraan upang parangalan ang mga banal na buong kababaang loob na nag-alay ng kanilang buhay sa Panginoon at nanindigan sa pananampalataya.
Ipinaliwanag ni Fr. Badong sa All Saints Day ay nararapat na gunitain ang kabanalang ipinamamalas ng mga santo ng simbahan sa halip na itaguyod ang katatakutan.
“Sa November 1, inaanyayahan kayo sa gagawing prusisyon ng mga Banal at Santo, yung mga may maliliit na imahe maari po kayong dumalo sa Banal na Misa bago ang prusisyon para sa pagbebendisyon; Ipagdiwang natin ang kabanalan, ‘wag ang Katatakutan.” pahayag ni Fr. Badong sa Radio Veritas.
Alas singko ng hapon gaganapin ang Banal na Eukaristiya na susundan ng pagbabasbas sa mga imahe at prusisyon ng mga Banal.
Naniniwala si Fr. Badong na dapat palakasin ang katesismo sa mahalagang pagdiriwang ng All Saints Day at All Souls Day na ilaan para parangalan ang mga banal ng simbahan at ipanalangin ang kaluluwa ng mga yumaong mahal sa buhay.
Sa Pilipinas bagamat may ilang nakaugalian ang halloween party o pagsusuot ng mga nakakatakot na kasuotan ay isinusulong naman ng simbahan ang parade of saints lalo sa mga kabataan kung saan hinimok na tularan ang bihis ng kinagigiliwang santo.