12,500 total views
Muling pasisinayaan ng kapanalig na himpilan ang pagtatanghal ng mga imahen na naglalarawan ng pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo bilang paggunita sa Mahal na Araw ngayong taon.
Ito ang Veritas 846 Holy Week Exhibit 2025 na isasagawa sa Activity Center ng Fisher Mall sa Quezon Avenue, Quezon City mula April 12 hanggang 20, 2025.
Ayon kay Religious Department head Renee Jose, layunin ng exhibit, kasabay ng pagdiriwang ng Taon ng Hubileo ng Pag-asa, na hikayatin ang mga mananampalataya na magnilay sa pagpapakasakit ng Panginoong Hesukristo—ang paglalakbay patungong Kalbaryo at ang muling pagkabuhay—na nagbigay ng bagong pag-asa at kaligtasan sa sanlibutan.
“In celebration of the Year of Jubilee of Hope, this exhibit invites the faithful to reflect on the suffering, death, and resurrection of our Lord Jesus Christ, which brought hope and salvation to the world,” ayon kay Jose sa panayam ng Veritas Patrol.
Bukas ang exhibit sa publiko mula alas-10 ng umaga hanggang alas nuwebe ng gabi, kung saan maaari ring mag-alay ng panalangin na isasama sa Healing Masses ng Radio Veritas, sa alas-sais ng umaga, alas-12 ng tanghali, alas-sais ng gabi, at alas-12 ng hatinggabi.
Para sa karagdagang detalye, makipag-ugnayan lamang sa Veritas Religious Department sa telepono sa (02) 8925-7931 to 39 locals 129, 131, at 137, o mag-text sa 0917-631-4589 at hanapin si Ms. Renee Jose