306 total views
Inaanyayahan ng Biblical Apostolate ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya sa isasagawang Word Conference ng Claretian missionary.
Sa liham ni Father Arlo Bernardo Yap, SVD Executive Secretary ng CBCP-ECBA binigyang diin nito ang kahalagahan ng salita ng Diyos sa buhay ng bawat isa kaya’t nararapat na paigtingin ang kamalayan ng mamamayan.
“Truly the Word of God is a strong foundation for our life; I join the Claretians in inviting you and encouraging you to join in the WordCon 2021,” bahagi ng panawagan ni Fr. Yap.
Suportado ng CBCP-ECBA ang gawain ng Biblical Apostolate of the Claretians Missionaries sa pamamagitan ng Claretian Communications Foundations, Inc.
Kinilala ng kinisyon ang malaking tulong nito sa pagpapalago ng pananampalataya at mas maunawaan ng mamamayan ang mabuting balita ng Panginoon.
Ayon kay Claretian priest Julius Coching, layunin nitong mabuksan ang kamalayan ng mananampalataya hinggil sa misyon bilang bahagi ng kristiyanong pamayanan.
Gaganapin ang virtual WordCon 2021 sa November 29 at 30 sa pamamagitan ng zoom habang sabayang napapanuod sa Word Conference Faccebook page, Radyo Veritas Ph at CBCP Episcopal Commission on Biblical Apostolate.
Tema ng WordCon 2021 ang ‘Gifted to Give: “A gift opens the way and ushers the giver into the presence of the Great” na handog ng Claretians sa pagdiriwang ng 500 Years of Christianity.
Umaasa si Fr. Coching na maging mabunga at higit na mahimok ang mananampalataya na isabuhay ang misyon bilang kristiyano na ipalaganap si Kristo sa pamayanan.
Ang WordCon ay handog din ng Claretian Missionaries – Philippine Province sa pagdiriwang ng ika – 75 anibersaryo ng pagmimisyon sa Pilipinas.
Sa mga nais lumahok sa WordCon 2021 makipag-ugnayan lamang sa Claretian Communications Foundation, Inc kay Geraldine Vireynato at Analyn Dayandante sa telepono (02) 8921-3984 local 103 o mag-email sa [email protected] at bisitahin ang official website www.wordcon.ph.