134 total views
Inaanyayahan ng Radyo Veritas ang mga mananampalataya na bisitahin ang kauna-unahang nitong Santo Niño Exhibit ngayong 2018 sa second floor Activity Center ng Starmall Shaw Blvd. EDSA Mandaluyong City.
Ayon kay Father Anton Pascual – Pangulo ng Radyo Veritas at Executive Director ng Caritas Manila, layunin ng exhibit na masmapatingkad ang pagkilala ng mga Filipino sa Santo Niño bilang ugat ng pananampalatayang Kristiyano sa Pilipinas.
Bukod dito, hangad din ng Pari na sa pagkilala ng mga mananampalataya sa batang si Hesus ay matularan ng bawat isa ang puso nitong tulad ng sa isang bata na handang magpasakop, sumuko at magpamalas ng kababaang loob sa Panginoon.
“Ang ating napakagandang kapistahan ng Santo Niño na talagang espesyal sa Pilipinas ay tuwing ikatlong Linggo ng Enero, at itong imahe ng Panginoong Hesukristo sa larawan ng isang sanggol ay isang napakalakas na simbolo na napaka lapit sa puso ng mga Filipino, isang mabigat na simbolismo ng childlikeness not childishness but more childlikeness ang ating pagpapasakop, ating pagsuko at ating kababaang loob sa ating Panginoon na naghandog ng kanyang buhay at nagkatawang tao para sa ating katubusan,” pahayag ni Father Pascual sa Radyo Veritas.
Binigyang diin rin ni Father Pascual na ang nalalapit na pagdiriwang ng ika-500 taong anibersaryo ng Kristiyanismo sa bansa sa taong 2021 ang nagbibigay patotoo sa pagmamahal ng Panginoon sa Pilipinas.
Dahil dito, hinimok ng pari ang mga mananampalataya na patuloy na isabuhay ang mayamang tradisyon ng Pilipinas sa pagpupuri sa Santo Niño, tularan ang puso ng isang bata, at pahalagahan ang mga kabataang higit na malapit sa kalooban ng Panginoon.
“Ito ay isang mahalagang patotoo na mahal tayo ng Panginoon at sa imahe ng Santo Niño na syang naging bahagi ng mahabang tradisyon ng Kristiyanismo sa Pilipinas nawa’y maging patuloy tayong childlike sa ating Panginoon na sa atin ang kababaang loob at pagsunod at pagpapahalaga sa mga kabataan, mga bata na syang napaka lapit sa puso ni Hesukristo, sabi nga ni Hesus na sa kanila ang pahahari ng Diyos, nawa’y manatili tayong mga bata sa harap ng Panginoon at nakikiinig at sumusunod at nagpapasakop sa kanyang dakilang kalooban upang tunay na ang Kapistahan ng Santo Niño ay maging instrumento ng pagbabago hindi lang ng ating buhay kundi ng ating buong bansa.” Dagdag pa ng Pari
Ang Santo Niño Exhibit na sinimulan noong ika-14 ng Enero ay magtatagal hanggang ika-26, ito ay bukas sa publiko simula alas-diyes ng umaga hanggang alas-diyes ng gabi.