25,055 total views
Inaanyayahan ng National Shrine of Our Lady of Fatima ang mananampalataya sa canonical coronation sa makasaysayang imahe ng Our Lady of Fatima.
Sa pahayag ng diyosesis makahulugan ang pagdiriwang sapagkat kasabay ito ng ika – 38 anibersaryo ng mapayapang EDSA People Power Revolution na hudyat ng pagtapos sa dalawang dekadang paninilbihan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ayon kay Shrine Rector at Parish Priest Fr. Elmer Ignacio ang pagpuputong ng korona sa Mahal na Birhen ay paalala sa mapayapang pagtitipon noong 1986.
“This remarkable moment shattered the illusions of power and ideology, dispelling the notion that violence and conflict are the only means to effect change,” pahayag ni Fr. Ignacio.
Isasagawa ang pagpuputong ng korona sa February 25 sa alas nuwebe ng umaga na pangungunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown katuwang si Malolos Bishop Dennis Villarojo.
Inaprubahan ng Dicastery for Divine Worship and the Discipline of the Sacraments noong November 21, 2023 ang kahilingan ni Bishop Villarojo na gawaran ng canonical coronation ang imahe dahil sa mga testimonya ng mga debotong natutugunan ng Panginoon ang kanilang mga panalangin sa tulong ng Mahal na Birhen ng Fatima gayundin ang malawak na debosyon hindi lamang sa diyosesis kundi maging sa buong bansa at daigdig.
Bukod sa nuncio at kay Bishop Villarojo 13 obispo pa ang dadalo sa pagdiriwang kabilang na si Manila Arcbishop Cardinal Jose Advincula.
Sa February 21 bibisita ang imahe sa Archdiocesan Shrine of Mary, Queen of Peace – EDSA Shrine kasabay ng paggunita sa ika – 38 taon nang manawagan si dating Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin sa mamamayan na magtipon sa EDSA.
Magsasagawa rin ng triduum masses sa National Shrine ng Our Lady Fatima mula February 22 hanggang 24 sa alas sais ng gabi.
Mapakikinggan din sa Radio Veritas ang buong pagdiriwang sa February 25 mula alas nuwebe ng umaga hanggang alas dose ng tanghali.