9,665 total views
Inaanyayahan ng Aid to the Church in Need-Philippines (ACN) ang bawat isa na makibahagi sa nakatakdang One Million Children Praying the Rosary sa ika-18 ng Oktubre, 2023.
Ayon kay Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas – pangulo ng Aid to the Church – Philippines, iaalay ang pandaigdigang gawain ng sabay-sabay na pananalangin ng Santo Rosaryo ng mga kabataan ngayong taon sa pagkakaroon ng ganap na pagkakaisa, kapayapaan, at paghilom sa daigdig.
“On October 18, 2023, I am appealing to all of you to come together to pray the rosary. Millions and millions of children all over the world to pray the rosary for world peace, for world healing, for the forgiveness of the sins of the world.” Ang bahagi ng paanyaya ni Archbishop Villegas.
Ipinaliwanag ng Arsobispo na ang pananalangin ng Santo Rosaryo ay maituturing pambihirang paraan upang manalangin at ganap na maipaabot ng bawat isa ang mga hinaing, pasasalamat, at pagsusumamo sa Panginoon.
Pagbabahagi pa ni Archbishop Villegas, kaakibat ng pananalangin ng Santo Rosaryo ang paniniwala at pananampalataya sa pag-asang hatid ng Panginoon para sa sangkatauhan.
“Mark the date October 18, 2023 millions of children praying the rosary, we have power in our hands and that power is God, we reach God by prayer. Let us spread the news that we have hope, and our hope is in the Lord, let us come together on October 18, 2023 praying the rosary for the world, for peace for all of us.” Dagdag pa ni Archbishop Villegas.
Makalipas ang tatlong taon mula ng maganap ang COVID-19 pandemic noong 2020 ay muli ng isasagawa ng Aid to the Church – Philippines ang pandaigdigang gawain ng sabay-sabay na pananalangin ng Santo Rosaryo ng mga kabataan ng face-to-face ngayong taon.
Nagkatakdang isagawa ang One Million Children Praying the Rosary campaign sa Immaculate Conception Cathedral ng Diocese of Pasig sa ika-18 ng Oktubre, 2023 ganap na alas-nuebe ng umaga kung saan inaasahan ang pangunguna sa gawain ng mga mag-aaral mula sa Pasig Catholic College.
Layunin ng Worldwide Prayer Event na isulong ang pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng sabay-sabay na pananalangin ng mga kabataan ng Santo Rosaryo mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Inilunsad ang One Million Children Praying the Rosary campaign sa Caracas, Venezuela noong taong 2005 kung saan umaabot na sa mahigit 80-bansa ang taunang nakikibahagi sa malawakang pananalangin ng mga kabataan ng Santo Rosaryo kabilang na ang Pilipinas nang inilunsad ang gawain sa bansa noong taong 2016.