38,628 total views
Inanyayahan ng Aid to the Church in Need (ACN)-Philippines ang bawat mananampalataya na muling makiisa sa nakatakdang Red Wednesday campaign sa ika-29 ng Nobyembre, 2023.
Ayon kay Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas – pangulo ng Aid to the Church in Need – Philippines, ang pula ay sumasagisag sa alab ng puso at dugo ng mga Kristiyanong dumaranas ng pag-uusig at pinapaslang sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Nilinaw ng Arsobispo na ang Red Wednesday ay isang prayer campaign na layuning palawakin ang kamalayan ng mga Filipino sa pag-uusig na dinaranas ng mga Kristiyano sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Bukod sa pagsusuot ng damit na kulay pula ay hinihikayat din ni Archbishop Villegas ang bawat Simbahan, unibersidad, institusyon at maging mga tahanan na magpailaw ng kulay pula o kaya naman ay magsindi ng kandila bilang pagpapakita ng suporta sa kampanya.
“Ang pula ay sumasagisag sa alab ng puso, sa November 29, 2023 sa paglubog ng araw kayo po ay inaanyayahan ko ilawan natin ng pula ang harap ng ating mga buildings, ang harap ng ating mga institustions pati harap ng ating bahay, magsindi po kayo ng kandila sa labas ng bahay, sa labas ng Simbahan, ilawan natin ang harap ng Simbahan, ng paaralan at ng ating bahay alang-alang sa dugo ng mga Kristiyanong pinapatay, inuusig sa ating panahon, it will be Red Wednesday.” Ang bahagi ng paanyaya ni Archbishop Villegas.
Ipinaliwanag ng Arsobispo na mahalagang alalahanin ang lahat ng mga inuusig sa iba’t ibang panig ng daigdig sapagkat hindi lamang mga Katoliko ang nakararanas ng pag-uusig o paniniil kundi maging ang mga Kristiyano sa ibang denominasyon.
Sinabi ni Archbishop Villegas na bukod sa pakikiisa sa kampanya ay marapat ding ipanalangin ng bawat isa ang tuluyan ng pagwawakas ng pagdanak ng dugo partikular na ang nagaganap na terorismo at armadong sagupan na bumibiktima sa mga inosenteng mamamayan.
“November 29, 2023 sa paglubog ng araw ilawan natin ng pula ang buong mundo at sana ang pula ay manatili na sa ilaw, tumigil na ang pagdanak ng dugo, tumigil na ang terorismo, tumigil na ang karahasan at patayan, at ang pula ay maging sagisag lamang ng pagmamahal natin sa isa’t isa, sama-sama tayo November 29, 2023 – Red Wednesday for Persecuted Christians.” Dagdag pa ni Archbishop Villegas.
Napiling tema ng Red Wednesday campaign ngayong taon ang ‘Embracing Persecuted, Oppressed and Christians in Need’ na layuning higit na palaganapin ang kamalayan sa kalagayan at kapakanan ng mga inuusig na Kristiyano sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Nakatakda ang evening eucharistic celebration for persecuted Christians in the Philippines and worldwide sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o Manila Cathedral na pangungunahan ni Msgr. Bernardo Pantin ang secretary general ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ganap na alas-sais ng gabi na susundan ng pagpapailaw ng kulay pula sa Simbahan bilang pag-pupugay sa mga inuusig na Kristiyano sa buong mundo.
Matatandaang Enero ng taong 2020 ng aprubahan ng CBCP ang institutionalization ng Red Wednesday Campaign ng Aid to the Church in Need sa bansa o ang pormal na pagtatalaga ng Red Wednesday bilang taunang pagdiriwang ng Simbahan sa buong bansa na isang tanda ng hindi pagsasawalang kibo ang mga Pilipino sa dinaranas na hirap ng mga inuusig na Kristyano sa buong daigdig.