410 total views
Inaanyayahan ni Rev. Fr. Victor Sadaya, General Manager ng Radio Veritas Asia (RVA), ang publiko na tangkilikin ang documentary film (docu-film) na ‘Pilgrim: 500 Years of Catholic Faith in the Philippines’.
Tampok sa docu-film na likha ng Radio Veritas 846 at RVA katuwang ang Creative Travel and Tours International at Tourism Promotions Board kung papaano nagsimula, lumaganap at nagpatuloy ang pananampalatayang Kristiyano sa Pilipinas 500-taon na ang nakakalipas.
“Inaanyayahan ko kayo dito sa pagpapanuod ng ating original na documentary drama tungkol sa paglalakbay ng pananampalataya ng mga Pilipino, ang kahalagahan nito dito’y pinapakita sa atin kung paano tayo biniyayaan ng Panginoon ng pananampalatayang ito papaano ito lumago,” ayon sa panayam ng Radio Veritas sa Pari.
Mensahe ni Fr. Sadaya ang layuning maipabatid sa mga makakapanuod sa pelikula ang kahalagahan na patuloy isabuhay ang pananampalatayang katoliko upang lumaganap pa ang pananampalatayang regalo ng Panginoon sa sangkatauhan.
Hiling din ng Pari sa bawat mananampalataya na gunitain ang tema ng 500-years of Christianity na ‘Gifted to Give’ na pagpapakita at pagsasabuhay ng pananampalataya sa Panginoon.
Ayon naman kay Bishop Bernardino Cortez ng Prelatura ng Infanta, ipinapakita ng pelikula ng pananampalatayang Kristiyano ang pagiging matatag na katangian ng mga Pilipino sa kabila ng pagharap sa bawat pagsubok.
Ayon pa sa Obispo, naway magsilbing hudyat ang docu-film ng mas pinalawig na ebanghelisasisyon ng pananampalatayang katoliko dahil maari nitong mapukaw at mapaintindi sa mga makakapanuod ang kabutihang kaloob ng Diyos sa pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas 500-taon na ang nakakalipas.
“Pinakita doon na masasabi sa ating mga Pilipino ang saya ng Pilipinas at kung ano-ano ang nagagawa ng pananampalataya sa atin sa gitna ng mga giyera lahat ng pinagdaanan, nakatayo parin tayo, sana lumabas doon ang kagandahang loob ng mga Pilipino,” ayon din sa panayam ng Radio Veritas sa Obispo.
Sa naganap premiere night ng docu-film noong April 23 sa himpilan ng Radio Veritas Asia ay nagkaroon ng turn-over ceremony kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President Kalookan Pablo Virgilio David upang matiyak na mapapanuod ito sa lahat ng Diyosesis at Arkidiyosesis sa buong Pilipinas.