193 total views
Pinaalalahanan ni Borongan Bishop Crispin Varquez ang mga kawani ng simbahan maging ang mga mananampalataya na tuwinang maging alisto at mapagmatyag.
Ito ay kaugnay na rin sa mga posibleng banta ng terorismo tulad ng naganap sa Srilanka kung saan 300 katao ang nasawi.
Sa ulat, dalawang katolikong simbahan ang pinasabog ng mga hinihinilang terorista kasabay ng pagdiriwang ng simbahang katolika ng pista ng Muling Pagkabuhay ni Hesus.
Paliwanag ng obispo, kinakailangan na maging alisto ang mga parishioners sa mga kahihinalang tao o bagay na makikita sa simbahan at agad itong iulat sa kinauukulan.
“Dapat ang bawat member ng community ay mapagmatyag tapos kung mayroong mga unusual na kilos ng taong hindi kilala, na hindi familiar kailangang ireport sa awtoridad o sa parish priest o mga pari. Para makagawa nang hakbang. Kung mayroong masamang balak ay mahadlangan na,” ayon kay Bishop Varquez.
Giit ng obispo ang paglalagay ng karagdagang security personnel ay magdudulot lamang ng pangamba o takot sa mga mananampalataya na nasa loob ng tahanan ng Diyos.
Naniniwala ang obispo na ang pagtutulungan ng bawat isa ay magiging hadlang sa mga nagnanais na gumawa ng masama sa kanyang kapwa.
Nanawagan naman ng obispo sa mga mananampalataya nang ibayong pag-iingat dulot ng magkakasunod na lindol sa bansa.
Ayon sa obispo, walang babala ang pagdating ng lindol kaya’t hinikayat ang mga mananampalataya na maging alisto sa anumang oras upang makaiwas sa aksidente.
“Tayo po’y mag ingat. Ang lindol po ay hindi nagpaalam. Bigla lang dumarating. Kaya let us all be very careful para maiwasan ang mga casualties, iba na talaga ang panahon ngayon,” ayon pa sa obispo.
Araw ng Martes nang yanigin ng 6.5 magnitude na lindol ang Samar, bagama’t ayon sa obispo ay wala namang malaking pinsala ang dulot nito sa lalawigan.
Nakatakda ring ipasuri ni Bishop Varquez ang Nativity of Our Lady Cathedral o kilala bilang Borongan Cathedral dahil sa nakitang maliit na bitak sa isang haligi ng simbahan.
Sa loob ng isang linggo, hindi bababa sa limang lindol ang tumama sa bansa kabilang dito ang pagyanig sa Zambales, Samar Bataan, Davao at Batangas.
Labing lima katao naman ang nasawi mula sa Pampanga dahil sa pagyanig.