235 total views
Hinikayat ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari ang mananampalataya na ikonsiderang ipagpaliban ang mga kasal at binyag bunsod na rin ng banta ng corona virus disease.
Ayon sa Obispo sa kabila ng pagkansela ng mga banal na misa, magpapatuloy naman ang mga gawaing pansimbahan lalo ngayong Semana Santa sa pamamagitan ng internet.
“We are having our live streaming and we encourage people to postpone weddings and baptisms,” pahayag ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Sinabi ni Bishop Mallari na ito ay hakbang upang maiwasan na magtipon-tipon ang maraming tao alinsunod sa panuntuning inilabas ng gobyerno partikular ng Department of Health.
Magugunitang agad na ipinag-utos ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pagkansela ng mga pagtitipon sa simbahan para maiwasan ang labis na pagkalat ng virus na naipapasa sa pamamagitan ng talsik ng laway mula sa taong nagtataglay ng COVID 19.
Bukod dito hinimok din ni Bishop Mallari ang mananampalataya na gawin na lamang sa mga bahay ang pagbabasbas sa mga yumaong mahal sa buhay upang bukod tanging pamilya lamang ang dadalo at madaling ipatupad ang physical distancing.
“We encourage blessing of the dead in houses instead of doing it in churches,” saad pa ng obispo.
Dahil sa kanseladong mga misa at iba pang gawaing simbahan lalo ngayong nalalapit na ang mga Mahal na Araw, pinaiigting ng Radyo Veritas 846 ang on air at online masses tuwing alas sais ng umaga, alas dose ng tanghali at alas sais ng gabi habang naghahanda na rin sa pagpapaabot sa mga mananampalataya ng mga gawain sa Mahal na Araw mula sa iba’t ibang simbahan sa Metro Manila tulad ng online visita iglesia, pitong huling wika, misa ng krisma, at ang mga gawain sa Paschal triduum.