340 total views
Ibinahagi ng Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi (KPAD) na ipagdiriwang ng Apostolic Vicariate of Southern Arabia (AVOSA) ang easter triduum online.
Ayon kay Rommel Pangilinan, social media director ng KPAD, ito ay hakbang ng simbahan sa middle east upang maiwasan ang malaking pagtitipon ng mananampalataya sa mga simbahan.
“Ini-encourage ng aming obispo [Bishop Paul Hinder] na i-observe ang triduum online upang maiwasan din ang pagdagsa ng mga mananampalataya sa simbahan,” mensahe ni Pangilinan sa Radio Veritas.
Inihayag ni Pangilinan na ito ay para sa mananampalatayang hindi makakaabot sa registration ng mga nais dumalo ng pisikal sa mga gawaing pang simbahan ngayong mahal na araw.
Isa sa mga hakbang na ipinatupad ng AVOSA sa mga simbahan ang pagpaparehistro sa mga dadalo ng pisikal upang malaman ang sapat na bilang ng pinapayagang kapasidad ng simbahan at maipatupad ang mga safety health measures.
Sa gabi ng Huwebes Santo nagsagawa ng online na pagtatanod sa Kabanal-banalang Katawan at Dugo ni Kristo matapos isagawa ang Misa sa Huling Hapunan.
Sa Biyernes Santo ng gabi magkakaroon ng Good Friday service online na matutunghayan sa Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi facebook page at maging ang mga pagdiriwang sa Linggo ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon.
Umaasa ang AVOSA na gamiting pagkakataon ng mananampalataya ang pakikiisa sa online mass religious activities upang mapalalim ang ugnayan sa Panginoon lalo ngayong umiiral pa rin ang banta ng coronavirus pandemic.
Sa tala mahigit kalahating milyon ang bilang ng mga Filipino sa United Arab Emirates na karamihan ay aktibo sa pakikilahok ng mga gawaing simbahan sa naturang lugar.