5,144 total views
Hinimok ni Capiz Archbishop Victor Bendico ang mga nasasakupan sa arkidiyosesis na makilahok sa taunang Red Wednesday campaign.
Ayon sa arsobispo mahalagang magbuklod ang kristiyanong pamayanan sa pagpaparangal at pananalangin sa kaligtasan sa mga kristiyanong biktima ng karahasan dahil sa pananampalataya.
“Through this commemoration, we are called to deepen our compassion for those bearing the cross of persecution and to strengthen our own faith in the face of trials…I encourage each parish, mission station, Catholic school, religious community in our diocese to participate actively in this observance,” ayon kay Archbishop Bendico.
Ibinahagi ng Aid to the Church in Need (ACN) Philippines na tema ng Red Wednesday Campaign ngayong taon ang ‘One in Suffering, One in Consolation’ na ipadiriwang sa November 27 bilang pakikiisa sa katatapos na Synod on Synodality.
“In this challenging time, may Red Wednesday remind us that no believer stands alone. United as one Body in Christ, we stand with our suffering brothers and sisters in prayer and action,” ani Archbishop Bendico.
Kaugnay nito sinabi ni Archbishop Bendico na bilang pakikiisa ng arkidiyosesis inatasan nito ang mga parokya, kapilya at iba pang church institution na magpailaw ng pula sa harapan ng mga gusali bilang pag-aalala sa dugo na inialay ng mga kristiyanong martir dahil sa paninindigan sa pananampalataya.
Gayundin ang pagsusuot ng pulang damit sa pagdalo sa mga gawain bilang suporta sa inisyatibo ng ACN para sa buong simbahan.
Magkakaroon din ng banal na misa para sa persecuted christians kung saan pangungunahan ni Archbishop Bendico ang Votive Mass at pagpapailaw ng pula sa Immaculate Conception Metropolitan Cathedralof Capiz sa alas singko ng hapon.
Magkakaroon din ng special collections sa naturang araw para sa mga programa at proyekto ng ACN Philippines lalo na ang pagbibigay suporta sa mga kristiyanong biktima ng karahasan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Samantala isasagawa ang main celebration ng Red Wednesday Campaign sa Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag na pangungunahan ni ACN Philippines President, Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas.
Magsisimula ang pagdiriwang sa ikaapat ng hapon sa pagdarasal ng Santo Rosaryo na susundan ng Banal na Misa at pagsindi ng mga kandila.