220 total views
Tiniyak ng Social Action Center ng Diocese of Tarlac ang patuloy na pagkalinga ng Simbahan sa mga apektado ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Ibinahagi ni Tarlac SAC Director Rev. Fr. Randy Salunga ang patuloy na paglilikom ng tulong ng Caritas Tarlac upang maipamahagi sa mga mahihirap na lubos na apektado ng Luzon-wide Enhanced Community Quarantine.
Inihayag ng Pari na sa kabila ng pagtiyak ng kaligtasan ng sarili at pamilya ay mahalaga rin ang patuloy na pagbibigay kalinga sa mga mahihirap at mga lubos na nangangailangan.
Ayon kay Fr. Salunga, ang malilikom na tulong ng Caritas Tarlac ay nakalaan sa mamamayang lubos na nangangailangan.
“Ang Caritas Tarlac po ay naglilikom din po ng mga tulong na pwedeng ibigay sa mga mahihirap. As we try to protect ourselves we should not forget also yung mga kapatid natin na walang kakayahan na protektahan din ang kanilang mga sarili so nakaantabay din tayo.At least ngayon po ay may natatanggap naman pong mga tulong so iniipon muna natin at pagdating ng araw ay ibibigay po natin po sa mga nangangailangan…”pahayag ni Fr. Salunga sa panayam sa Radio Veritas.
Naunang tiniyak ng diyosesis ang pagtugon sa pinakahuling Circular Letter 20-14 ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines kaugnay sa pagtataas ng Public Health Emergency Code Red Sub-Level Two sa bansa dahil sa COVID-19.
Ayon kay Tarlac Bishop Enrique Macaraeg biglang tugon sa tagubilin ng CBCP at maging sa direktiba ng Tarlac Provincial Government na iwasan ang malaking pagtitipon ay pansamantala munang sususpendihin ang pagsasagawa ng banal na misa sa buong diyosesis.
Nakikibahagi rin ng diyosesis sa pagpapatunog ng kampana tuwing alas dose ng tanghali at alas-otso ng gabi bilang hudyat ng sabay-sabay na pananalangin ng Oratia Imperata upang ipanalangin ang kaligtasan ng lahat ng mga may sakit at pagtuklas ng lunas sa COVID-19.