197 total views
Kinilala ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia ang pagiging misyonero ng mga Filipino bilang tagapagpalaganap ng Ebanghelyo.
Ito ang inihayag ni Archbishop Caccia, kaugnay sa isinagawang Pista ng Misyon bilang tugon ng mga mananampalataya sa deklarasyon ni Pope Francis ng Extraordinary Missionary Month ngayong buwan ng Oktubre.
Ayon sa Arsobispo, ang mga Filipino ay maituturing na mga disipulo ni Hesus na mayroong matatag na pananampalataya sa Panginoon.
Paliwanag ni Archbishop Caccia, hindi matatawaran ang masiglang pagpapamalas nang pagtugon ng mga mananampalatayang Filipino sa tungkulin ng bawat binyagan sa pagpapahayag ng mabuting balita sa iba’t ibang pamamaraan.
Pagbabahagi pa ng Arsobispo, kapansin-pansin ang pagpapamalas ng pananampalataya ng mga Filipino hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang bansa sa Asia at sa buong daigdig kung saan sila naroroon.
“As the Cardinal said the Filipino people have met Jesus and many of them, are good disciples because they believe that Jesus is alive and they are all over the world so all the Filipinos are missionary in the Philippines in the different way of life, outside the Philippines in Asia especially and all over the world where the community is spread,” ang bahagi ng pahayag ni Archbishop Caccia sa panayam sa Radyo Veritas.
Hinamon rin ng Arsobispo ang bawat mamamayang Filipino na kalakip ng pagbabahagi ng turo at mabuting balita ng Panginoon ay isama rin sa kanilang misyon ang pagpapalaganap ng kaligayahan, kapayapaan, pag-ibig at liwanag na hatid ng Panginoon sa buong daigdig.
“I hope that being good disciples they can bring joy, peace, love to this world who is often in darkness to bring the light of Christ, this is the mission of the Filipino people,” dagdag pa ni Archbishop Caccia.
Batay sa tala, umabot ng 8,300 ang bilang ng mga delegadong nakibagi sa pagtitipon mula sa iba’t ibang sektor, mga guro, mga katekista, mga Pari at maging mga madre mula sa iba’t ibang kongregasyon sa buong bansa.