358 total views
Naniniwala ang Military Ordinariate of the Philippines na makatutulong ang isusulong na mandatory military service sa paghubog ng pagkatao ng mga kabataan.
Ayon kay Bishop Oscar Jaime Florencio mahalagang maturuan ang mga kabataan ng wastong disiplina upang maging mabuting mamamayang kasapi ng lipunan.m
“I think we need that to instill more discipline to our young people, and besides it’s a good thing also bring about while they are young,” pahayag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Ito ang tugon ng military bishop hinggil sa panukala ni Vice presidential aspirant – Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na isusulong ang mandatory military service sa mga kabataang 18 gulang pataas.
Binigyang diin ni Bishop Florencio na kung sakaling maisakatuparan ang nasabing panukala dapat tiyaking maipatutupad ito ng maayos at matiyak ang kaligtasan at itaguyod ang karapatan ng bawat kabataan.
Sinabi pa ng obispo na dapat tutukan dito ang paghuhubog sa pagkatao upang maging mabuting kasapi ng pamayanan para sa mas matatag na pundasyon bilang bansa.
“Not only as an academic requirement but a necessity for a strong and solid good character,” ani Bishop Florencio.
Marami ang tutol sa panukalang mandatory military service dahil sa pangamba ng katiwalian, karahasan at paglabag sa karapatang pantao lalo na sa kabataan.
Ayon naman kay Defense Secretary Delfin Lorenzana bagamat sang-ayon ito sa panukala ni Duterte mahihirapan itong ipatupad sa Pilipinas sapagkat hindi ‘war footing’ ang bansa.
Una nang nilinaw ni Duterte-Carpio na ang nasabing panukala ay hindi paghahanda sa digmaan ang layunin kundi kabilang na ang disaster preparedness at iba pa.