358 total views
Tinutulan ng ibat-ibang labor groups ang nakatakdang pagpapatupad ng pamahalaan ng mandatory vaccination policy para sa mga manggagawang on-site nagtatrabaho.
Ito ay para sa mga piling lugar na maituturing ng pamahalaan na mayroong sapat na suplay ng bakuna at hindi tatanggalin ang mga manggagawang hindi magpapabakuna.
Naninindigan ang Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO), Federation of Free Workers (FFW) AT Kilusang Mayo Uno (KMU) na hindi dapat ipinapatupad ang sapilitang pagpapabakuna dahil unang pinairal ng Department of Labor and Employment (DOLE) panuntunan laban sa mandatory vaccination ng mga manggagagawa.
Iginiit ng labor groups na nagdudulot ng takot sa mamamayan ang kakulangan ng ‘Information Drive’ upang ipabatid ang kahalagahan at mga mabuting maidudulot ng pagpapabakuna laban sa COVID-19.
“i-wrap up ng government yung kanilang information drive ‘bakit mahalagang mag-pabakuna?’ pero more importantly yung vaccination kasi it is not because people don’t want to be vaccinated but the other people are looking for nicer vaccine ,” pahayag ni SENTRO Deputy Secretary General Joanna Bernice Coronacion sa Radio Veritas
Binigyan diin naman ni KMU Secretary General Jerome Adonis sa Radio Veritas na walang malinaw na information drive ang pamahalaan sa benepisyo ng COVID 19 vaccine.
Suliranin din kay FFW President Atty.Sonny Matula ang kakulangan ng pamamaraan ng pamahalaan upang maihatid ang sapat na suplay ng bakuna sa ibat-ibang bahagi ng Pilipinas maging sa National Capital Region (NCR).
Kinundena rin ng mga opisyal ng labor ang pagpasa ng pamahalaan ng responsibilidad sa mga manggagawa upang makakuha ng COVID-19 test results gamit ang kanilang sariling salapi.
Binigyang diin ni Adonis ng KMU na sa halip na tulong ay pasanin sa mga manggagawang nakaranas ng labis na paghihirap ang panukala ng bunsod ng pandemya ay karagdagang pasakit pa ang pagpapatupad mismo ng sariling pamahalaan sa nasabing panukala.
Bagamat naniniwala ang simbahang katolika na mahalaga ang pagpapabakuna laban sa COVID-19 ay hindi naman ito dapat maging hadlang sa karapatan ng mga manggagawa sa pagkakaroon ng hanapbuhay.