6,697 total views
Hinimok ni San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari ang mga mananampalataya, lalo na ang mga manggagawa, na maging kasangkapan sa pagpapahalaga at pangangalaga sa lahat ng nilalang ng Diyos.
Ayon kay Bishop Mallari, ipinapaalala ng Diyos sa lahat na ang bawat paggawa ay halimbawa ng pakikiisa sa kakayahang maglalang ng Maylikha.
Ang mensahe ng obispo ay kasabay ng Dakilang Kapistahan ni San Jose, Manggagawa na itinuturing na huwaran ng mga manggagawa dahil sa walang kapagurang pagtatrabaho upang mapangalagaan at matiyak ang pangangailangan ng kanyang pamilya kasabay ng pagtalima sa utos ng Diyos.
“Kung papaano pagkatapos lalangin ng Diyos ang lahat, nakita niya na maganda ang lahat. Ito din ang paanyaya sa atin na pagbutihin ang lahat ng ginagawa at tumulong upang lalo pang gumanda ang mundo na tinitirhan natin,” mensahe ni Bishop Mallari mula sa panayam ng Radio Veritas.
Pagbabahagi ni Bishop Mallari na matapos likhain ng Diyos ang sanlibutan ay inatasan Niya ang tao na maging katiwala ng sangnilikha upang ito’y higit na pangalagaan at pagyabungin.
Panawagan naman ng obispo sa lahat na pahalagahan din ang mga manggagawang inilalaan ang buhay upang mapangalagaan ang kalikasan laban sa pang-aabuso at pananamantala, alang-alang sa kapakanan ng mga susunod pang henerasyon.
Batay sa huling ulat ng Global Witness, sa nakalipas na isang dekada, nananatili pa rin ang Pilipinas bilang pinakamapanganib na bansa sa Asya para sa mga land at environmental defenders kung saan naitala ang 281 pagpaslang.
Una nang nabanggit sa Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalan Francisco ang panawagan sa mamamayan at mga may katungkulan sa pamahalaan na ipagtanggol at pigilan ang walang kabuluhang pakikitungo sa mga environmental defenders at mga katutubo.