802 total views
Hindi pa rin mapapaunlad ng nilagdaang Department Order 174 ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III ang buhay ng mga manggagawa.
Ito ang paninindigan ni Mr. Alan Tanusay – Advocacy and Policy Officer ng Associated Labor Union – Trade Union Congress Philippines at Spokesperson ng NAGKAISA Labor Coalition sa nilalaman ng nilagdaang DO-174 ng Kalihim na nagbabawal sa labor contracting at subcontracting o ENDO.
Giit ni Tanusay, tanging ang mga man-power service provider at man-power cooperative lamang ang makikinabang sa naturang polisiya na magpapahintulot sa patuloy na uri ng contractual walk ng mga manggagawa dahilan upang manatiling lugmok sa kahirapan ang mga manggagawa.
“Pinili ni Secretary Bello na i-interpret yung batas in favor of the capitalist, pabor sa mga man-power service providers at mga man-power cooperative, ito pong Department Order 174 ay magti-trigger po ito ng raise to the bottom para sa mga manggagawa, oo nga at ina-address nito yung ENDO, ina-address nito yung 555 ngunit ina-allow naman nito yung contractual walk sa pamamagitan ng man-power service provider at man-power cooperative na lalong magpapasadlak sa kahirapan ng contractual workers”.pahayag ni Tanusay sa panayam sa Radio Veritas.
Giit ni Tanusay, maituturing na Win-Win Solution ang naturang polisiya para sa mga employers at mga man-power service providers habang nananatiling talo at kaawa-awa ang sitwasyon ng mga manggagawa na tanging matatali lamang sa mga contractor na nagsisilbing middle-man ng mga employer at mga manggagawa.
“Win-Win Solution para sa mga employers at mga man-power service providers pero Lose-Lose po rito ang mga manggagawa dahil nakatali sila doon sa contractor, doon sa middle-man, doon sa mga kooperatiba…” Dagdag pa ni Mr. Alan Tanusay.
Paliwanag ni Tanusay, binibigyan laya lamang ng DO-174 ang mga kumpanya at employer na makatipid sa labor cost sa pamamagitan ng pagpapasa ng kanilang responsibilidad sa mga labor agency at mga kooperatiba.
Sa Social Doctrine of the Church bagamat pabor ang Simbahan na kumita ang isang mamumuhunan, subalit kailangan ang kitang ito ay nakakamit nang hindi nabibigatan at ganap na naibabahagi sa mga kawani ang kanilang mga pinaghirapan.
Ayon nga kay Pope Francis, isa sa pangunahing karapatan ng isang tao sa lipunan ang pagkakaroon ng isang marangal na trabaho na may karampatan sahod at benepisyo para sa kanilang paggawa upang maitaguyod ang kanilang pamilaya.
Batay sa pinakahuling tala ng Philippine Association of Legitimate Service Contractors, Inc. o (PALSCON), nasa 850,000 na ang mga manggagawang kontraktwal sa buong bansa noong taong 2016.(Reyn Letran/Newsteam)