1,678 total views
Tungkulin ng sangkatauhan na makiisa sa mga magsasaka at mangingisda na paunlarin ang lipunan na may kasamang pinaigting na pagkalinga sa kalikasan.
Makiisa at suportahan ang mga magsasaka at mangingisda sa pagpapaunlad ng ekonomiya na may pagkalinga sa kalikasan.
Ito ang mensahe ni Rodne Galicha – Executive Director ng Living Laudato Si Philippines sa paggunita ngayong buwan ng Mayo bilang National Farmers and Fisherfolks Month.
“Bukod sa pagpapakain sa ating mga mamamayan, ang mga magsasaka at mangingisda ay may malaking papel sa pagpapangalaga ng ating kalikasan at likas na yaman, sila ang nagtatanim at nag-aalaga ng ating mga pananim at hayop upang masiguro ang magandang kalagayan ng ating kalikasan, sa pagpapahalaga natin sa kanilang ginagawa, hindi lamang natin sila tinutulungan kundi pati na rin ang ating kalikasan,” bahagi ng mensaheng ipinadala ni Galicha sa Radio Veritas.
Hinimok din ni Galicha ang mamamayan sa pagsasabuhay ng mga katuruan na nakapaloob sa Ensilikal ng Kaniyang Kabanalang Francisco na Laudato Si.
Ang agri at fisheries sector ang pangunahing lumilikha ng pagkain upang matiyak na hindi magugutom higit na ang pinakamahihirap na sektor ng lipunan.
“Sa panahong ito ng krisis sa kalikasan at ekonomiya, nararapat na magkaisa tayo upang bigyang pugay at samahan sila sa kanilang laban sa mga puwersang mapang-api, sa ating pagpapahalaga sa kanila, hindi lamang natin sila binibigyan ng sapat na pagkilala kundi pati na rin ang ating nag-iisang tahanan, ang Living Laudato Si’ Philippines ay patuloy na nakikiisa pagpapalaganap ng mensaheng ito,” bahagi pa ng ipinadalang mensahe ni Galicha.
Una ng hinimok ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari ang mamamayan na paigtingin ang pag-unawa at pakikiisa sa mga magsasaka at mangingisda.
Tema ng National Farmers and Fisherfolks Month ang “Magsasaka’t Mangingisdang Pilipino, Saludo ang buong Bansa sa Sipag, Tibay at Lakas niyo”.