519 total views
Sa halip na ‘dolomite sand’, mas makabubuti sana kung pagtatanim ng mangrove trees sa paligid ng Manila bay ang pinagbuhusan ng pondo ng Department of Environment and Natural Resources.
Ito ang bahagi ng pahayag ni Marilou Arsenio-program coordinator ng Archdiocese of Manila Ecology Ministy.
Paliwanag ni Arsenio na mas ligtas itong ilagay sa dalampasigan ng Manila Bay upang magsilbi ring harang kapag nagkaroon ng mga malalakas na kalamidad tulad ng bagyo.
“Yes, ‘yun naman talaga ang kailangan d’yan. Kasi ang mangrove, protected ang Las piñas and Parañaque because of the mangroves na nandun sa may coastal. So, yun ang kailangan natin, dapat nga, meron na rin silang island na nilagay dun (sa Manila Bay), di taniman na ng mangroves,” ayon kay Arsenio sa panayam ng Radyo Veritas.
Ang taniman ng mangrove trees sa Las Piñas-Parañaque Critical Habitat Ecotourism Area (LPPCHEA), na pinamamahalaan ng Department of Environment and Natural Resources ang makatutulong para sa biodiversity conservation sa Manila bay ayon pa sa halimbawa ni Arsenio.
Hindi rin sang-ayon si Arsenio sa pagtatambak ng dolomite sand bilang bahagi ng rehabilitasyon ng baybayin lalu’t inanod na rin sa dagat ang mga artificial white sand sa mga nakalipas na pag-uulan.
Giit pa niya, tila pagsasayang ng pondo ng pamahalaan ang proyekto lalu’t mas higit na kailangan ng publiko sa kasalukuyan ay ang makakain at pagkakitaan dahil na rin sa epekto ng pandemya.
“Hindi tayo sumasang-ayon d’yan kasi that is clearly waste of people’s money. Sa dami ng problema ngayon, sa dami ng walang trabaho, walang kinakain, walang bahay, etc., ang problema ngayon sa pandemic, namamatay rin sa sakit, etc. Tapos sinasabi nila kulang ng pondo para sa health tapos gagastos ka ng ganyan. That is immoral,” ayon kay Arsenio.
Iminungkahi naman ng University of the Philippines-Diliman Institute of Biology sa DENR ang pagbuo at pagpapatupad ng science-based rehabilitation program para sa Manila bay na layong maibalik ang biological function at mapangalagaan laban sa epektong dulot ng polusyon.
Ayon sa Laudato Si ni Pope Francis, hinihimok nito ang mga mananampalataya, na pangalagaan ang sangnilikha, dahil sa ating pag-abuso sa kapaligiran ay tao rin ang nagiging biktima ng mga pinsalang idinudulot nito.