437 total views
Isang manigong bagong taon ang kahilingan ni Msgr. Hernando Coronel para sa darating na taong 2021.
Ito ang pagninilay ng rector at parish priest ng Minor Basilica of The Black Nazarene O Quiapo Church sa unang araw ng Misa De Gallo nitong Miyerkules, ika – 16 ng Disyembre.
Sa Misa de Gallo, hinimok ni Msgr. Coronel ang mahigit sa isanlibong mananampalataya na dumalo na manatiling kumapit at manalig sa diyos sa kabila ng iba’t-ibang hamong kinaharap ng lipunan dulot ng pandemya at mga kalamidad.
“Ang hiling ko sa Mahal na Poong Hesus Nazareno ang isang manigong bagong taon 2021, na matapos na itong pandemyang COVID-19. Mas kumapit tayo sa Diyos mga Kapatid,”pagninilay ni Msgr. Coronel.
Mahigpit na ipinatupad sa Quiapo Church ang safety protocol bilang pag-iingat mula sa nakahahawang virus lalo na ang physical distancing sa loob at labas ng simbahan.
Hinikayat ni Msgr. Coronel ang mananampalataya at deboto ng Poong Nazareno na sundin ang kautusan ng pamahalaan kaugnay sa pag-iingat sa kalusugan upang mapigilan na ang pagkalat ng COVID-19.
“Mag-ingat po tayo at sundin natin ang mga safety health protocol. Nawa’y makabalik tayo sa normal na malayang makapagsamba at makapaglingkod sa ating Panginoon, ” dagdag ng pari.
Magkatuwang ang mga Hijos at kawani ng Philippine National Police sa pagpapatupad ng mga safety measures sa paligid ng Quiapo upang mapanatili ang kaayusan.
Nakatalaga lamang sa Palanca street ang entrace o papasok ng simbahan habang exit points naman sa Carriedo street at Quezon Boulevard upang matiyak na kontrolado lamang ang mga taong makapapasok ng simbahan at mapanatili ang physical distancing.
Sa pagpasok sa loob ng simbahan kinakailangan dumaan sa foot bath ang bawat isa, habang nakaantabay din ang pag-check sa temperature at paglalagay ng alcohol sa kamay gayundin ang pagsusulat sa contact tracing form.
Umaasa si Msgr. Coronel na diringgin ng Panginoon ang mga pagsusumamo at kahilingan ng mananampalatayang nagsasakripisyo sa siyam na araw na paghahanda ng Pasko ng Pagsilang.