235 total views
Napapanahon ang pagdalaw ng Relikya ng mahal na puso ni Santo Padre Pio sa Pilipinas sa pagtatapos ng Year of the Clergy and Consecrated Persons.
Ayon kay Father Reginald Malicdem, Rector ng Minor Basilica of the Immaculate Concepcion o Manila Cathedral, natatangi ang halimbawang ipinamalas ni Padre Pio para sa mga pari at nagtalaga ng sarili sa Diyos.
Sinabi ng pari na hindi lamang basta nagsagawa ng pangkaraniwang tungkulin ng mga pari si Padre Pio, kungdi nagpamalas ito ng kabanalan sa pamamagitan ng kanyang tahimik na pagbabata ng mga paghihirap ni Hesukristo.
Ipinaalala ni Father Malicdem na maging si Padre Pio ay nagtamo ng mga sugat ni Hesus na stigmata at ito ang magandang halimbawa sa lahat.
Ayon sa pari, ang pagsubok na pinagdadaanan ng simbahan sa kasalukuyan, kasama na ang pag-uusig sa mga pari at sa mga pinuno nito ay bahagi ng mga suliraning kailangang matamo ng bawat isa upang lumago sa kabanalan at matularan din ang ginawang pag-aalay ng sarili ni Padre Pio.
“Maraming pagsubok sa daigdig na ito, maraming pag-uusig ang hinaharap ng simbahan at maraming pag-uusig, lalong-lalo na sa mga namumuno sa Simbahan. Pero sa tahimik na pagbabata nito, sa tahimik na pagdadala nito sa aming mga puso bilang pakikibahagi namin sa paghihirap, sa pagdurusa ni Kristo, doon nagkakaroon din kami ng kabanalan,” bahagi ng pahayag ng Pari sa Radyo Veritas.
Dahil dito, hinimok ni Father Malicdem ang mga mananamapalataya na tulad ni Padre Pio, ay ilaan din ang kanilang puso sa paglilingkod sa Panginoon.
Ayon sa Pari, ang puso ni Padre Pio ay tulad din sa mga tao na dumaraan sa iba’t-ibang mga pagsubok at pasakit.
Sinabi ni Father Malicdem na ito ang dahilan kung bakit maraming mananampalataya ang lumalapit sa Santo sa pamamagitan ng pananalangin.
Aniya, ang puso ni Padre Pio na nakatalaga sa Diyos ang s’yang magdadala ng ating mga hinaing ,suliranin at maglalapit sa atin patungo sa Panginoon.
“Humingi tayo ng panalangin kay Padre Pio, kasi alam natin kahit noong nabubuhay pa s’ya napakabisa ng kan’yang panalangin. Maraming dumarayo sa kan’ya upang humingi ng kan’yang panalangin sapagkat alam natin na ang isang pusong nakatalaga sa Diyos, ay dinirinig ng Diyos, kaya sa paglapit natin sa kan’ya dalin natin yung mga hinaing ng ating puso, dalin natin yung mga dinadala natin sa ating buhay.” Dagdag pa ng Pari.
Ngayong Oktubre ay iikot sa Luzon, Visayas at Mindanao ang relikya ng puso ni Padre Pio.
Dadalhin ito sa Luzon sa ika-8 hanggang ika-11 ng Oktubr, kung saan naghanda ng mga aktibidad ang University of Santo Tomas at Manila Cathedral para sa mga mananampalatayang nais makibahagi at mag-alay ng panalangin.
Inaanyayahan naman ni Father Malicdem ang mga mananampalataya na samantalahin ang pambihirang pagkakataong ito upang makapag-alay ng panalangin sa relikya ng hindi naaagnas na puso ni Santo Padre Pio.
Nakakdang magbukas ng magdamag ang Manila Cathedral sa ika-9 hanggang ika-10 ng Oktubre upang mabigyang pagkakataon ang inaasahang dadagsang mga mananampalataya.